Sa pag-amin ni Soriano na kanya ang condo unit TIWALA NI SEN. BATO SA PDEA LEAKS LUMAKAS

INAMIN ng aktres na si Maricel Soriano na hanggang noong 2012 ay siya ang nagmamay-ari at siya ang occupant ng Unit-46C Rizal Tower Rockwell, Makati City.

Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs kaugnay sa PDEA leaks, inihayag ng aktres na naibenta na niya noong 2012 ang kanyang unit habang ang pre-operational report na nabanggit sa pangalan niya ay noong March 2012.

Dahil dito, sinabi ni Senador Ronald Bato dela Rosa na ang pag-amin ni Soriano “adds credence” sa PDEA leaks.

Subalit walang naging direktang denial ang aktres sa sinasabing paggamit ng ilegal na droga tulad ng ibinintang ng dalawang dati nitong katulong na nagsampa ng reklamo sa kanya dahil sa pambubugbog.

Itinanggi ni Soriano na binugbog niya ang kanyang mga kasambahay subalit inamin na umalis ang mga ito sa kanya makaraan siyang pagnakawan.

Sinabi ni Soriano na kailan lang niya nakita ang dokumento at wala siyang alam sa nilalaman nito dahil hindi naman siya nagbabasa.

Samantala, idiniin ni Senador Jinggoy Estrada na si dating PDEA investigator Jonathan Morales ang nag-leak ng pre-operation report na nagsasangkot kay Pangulong Marcos at Soriano sa paggamit ng ilegal na droga.

Kwestyonable rin kay Estrada ang pagkatao ni Morales dahil sa mga kinakaharap nitong kasong paglabag sa Article 180 ng Revised Penal Code o false testimony sa San Fernando, Pampanga at kasong estafa sa korte sa Pasig City.

Ito ay sa kabila naman ng naging pahayag ni dela Rosa na sa kanyang paniniwala ay totoo ang pre-operation report at katunayan ay maaari pa anya niyang itaya ang kanyang buhay kung sasabihing hindi authentic ang dokumento.

Kahapon ay ibinunyag ni Morales na may nagtangkang pigilan siyang dumalo sa pagdinig ng Senado.

Sinabi ni Morales na nagtungo sa kanyang tahanan pasado alas-10:30 ng umaga ng May 1, 2024 si Romy Enriquez na nais aniya siyang kausapin sa video call ni Eric Santiago na taga-Napolcom kung saan kasama ang isang James Kumar at isang Liza Araneta.

Kaugnay nito, isang mambabatas sa Kamara ang nanghihinayang sa oras na ginugugol ng pagdinig ng Senado sa nasabing usapin.

Para kay Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez, bagamat nirerespeto niya ang posisyon ng Senado, dapat pagtuunan na lamang ng pansin ang mahahalagang usapin tulad ng pag-amyenda sa Rice tariffication Law.

Naniniwala rin ang mambabatas na ang nasabing pagdinig ay bahagi ng isang malaking orchestrated destabilization movement laban sa Marcos administration.

(DANG SAMSON-GARCIA)

79

Related posts

Leave a Comment