P500-B ISUSUGAL PA RIN SA MAHARLIKA

BAGAMA’T isinapinal na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF) law, nanganganib pa rin ang P500 billion na pera ng bayan na isusugal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ginawa ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares ang nasabing pahayag matapos ianunsyo ng Malacanang na isinapinal na ang IRR ng nasabing batas matapos itong suspendehin noong nakaraang buwan.

Ayon sa dating mambabatas, 11 buwan ang nakalipas mula nang ipasa sa Kamara ang nasabing panukala noong December 2022, bago isinapinal ang IRR na isang indikasyon na hindi ito talaga pinag-aralan.

“This only shows that Pres. Marcos risked at least Php 500 billion of public funds to an idea not even studied by the proponents,” ani Colmenares dahil inabuso ni Marcos ang kanyang kapangyarihan nang sertipikahan nito ang MIF Bill bilang urgent bill.

Naniniwala si Colmenares na bagaman pilit inaayos sa executive department ay hindi ito garantiya na hindi manganganib ang pondo ng bayan na ilalagak sa MIF law.

Samantala, umapela ang dating kongresista sa mga senador na huwag pumayag kapag sinertipikahan ni Marcos ang 2024 national budget na nagkakahalaga ng P5.678 trillion upang masiguro na maipasa ito bago matapos ang kasalukuyang taon.

Sa kasalukuyan ay sinisimulan na ng Senado ang pagbuo ng kanilang hiwalay na bersyon sa nasabing panukalang batas subalit karaniwang ginagawa ng Pangulo ay sinesertipikahan ito bilang urgent bill kapag alanganing maipasa ito bago matapos ang taon.

(BERNARD TAGUINOD)

196

Related posts

Leave a Comment