P70.9-M DROGA NASABAT SA PNP ANTI-NARCOTICS OPERATION

UMABOT sa P70.9 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Philippine National Police sa kanilang ikinasang anti-narcotics operation sa loob lamang ng sampung araw nitong Enero ng kasalukuyang taon.

Ayon kay PNP chief, Gen. Benjamin Acorda Jr., mayroon nang mahigit P70.9 milyong halaga ng ilegal na droga ang kanilang nakumpiska sa pagpasok ng taong 2024.

Resulta umano ito ng 719 anti-illegal drugs operation na inilunsad ng mga pulis sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Enero 11.

Nalambat naman ng mga awtoridad ang 1,801 individuals na kabilang sa talaan ng wanted persons bunsod ng kinahaharap na iba’t ibang kaso.

Sa datos ng ibinahagi ng PNP, bahagi sa kanilang crime statistic, umabot sa 155 katao ang kanilang nadakip sa kanilang kampanya laban sa loose firearms na nagresulta sa pagkumpiska ng 673 firearms.

Magugunitang ipinagmalaki ng PNP na bumaba ng walong porsyento ang kanilang naitalang index or focus crime.

Ayon sa PNP-Public Information Office (PNP-PIO), mula Enero 1 hanggang 11, nakapagtala lamang ng 759 focus crimes kumpara sa 1,211 na insidente sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ang 8 focus or index crimes ay kinabibilangan ng mga crime against person gaya ng murder, homicide, physical injury, rape, at crimes against property gaya ng theft, robbery, car theft at motorcycle theft.

Inilantad din ng PNP na sa pagpasok ng bagong taon, umabot sa kabuuang 985 ang bilang ng mga alagad ng pulisya ang tuluyang sinibak sa serbisyo.

(JESSE KABEL RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment