KALABOSO ang tatlong suspek na nakatala bilang regional high value individuals makaraang makumpiskahan ng P9.12 milyon halaga ng marijuana sa Pasig City.
Ayon sa ulat ni P/Col. Wilson Asueta, District Director ng Eastern Police District, kay NCRPO Regional Director P/BGen. Jonnel Estomo, kinilala ang mga nadakip na sina Bjoryaniel Cruz y Labis l, 21; Kent Louie Cruz Cordano, 38, at Lexi Cruz Labis, 40-anyos.
Ayon sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga noong Disyembre 1, nang madakip sa joint operation ng mga operatiba ang tatlong suspek sa #24 Blumentritt St., Brgy. Kapasigan.
Lumitaw sa imbestigasyon, matapos ang ilang beses na surveillance operation at koordinasyon sa PDEA, sinalakay ng mga operatiba ang lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakuha sa mga ito ang anim na piraso ng transparent plastic ng mga tuyong dahon ng hinihinalang kush (high grade marijuana) na may timbang na 6 kilo at nagkakahalaga ng P8,400,000, at tinatayang 6 kilo ng marijuana na may halagang P720, 000.
Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Sec. 5 at 11 ng Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at paglabag sa RA 9165, Art. II, Sec. 26 (conspiracy) at Sec. 11 (possession). (ENOCK ECHAGUE)
231