PAGSASAMA-SAMA NG MGA DISMAYADO SA BBM ADMIN TULOY

(SAKSI NEWS TEAM)

NAKANSELA man ang itinakdang peace rally sa Bustos, Bulacan, patuloy pa rin ang pagsasama-sama ng mga grupong dismayado sa kasalukuyang administrasyon.

Nabatid ng SAKSI Ngayon na muling magdaraos ng Hakbang ng Maisug prayer for peace rally sa Martes (May 7) ng hapon sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Inaasahang dadaluhan pa rin ito ng mga prominenteng indibidwal at grupo na nagpapakita ng pagiging diskontento at dismayado sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Matatandaang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel and Presidential Spokesperson ng nagdaang administrasyong Duterte, na si Atty. Salvador Panelo, pagpapakita ito ng pagkadismaya sa ginagawa ng administrasyon ni Marcos Jr. ang pagdami ng mga sumasama sa nasabing rally.

Kinansela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Hakbang ng Maisug Peace Rally sa Bustos, Bulacan upang maiwasan umano ang gulo.

Ito ay dahil sa sinasabing panggigipit sa mga organizer maging sa may-ari ng lugar na pagdarausan sana ng rally.

Alegasyon ng organizer, ginipit umano ng mga nagpakilalang taga-Malacanang ang may-ari ng lupa kaya ito umatras.

Noong nakaraang buwan ay inakusahan din si Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo na tinangkang pigilan ang Maisug rally sa Davao.

Sinasabing ang pagkabigo ni Lagdameo na mapigilan ang rally ang dahilan kaya nasuspinde si Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib.

113

Related posts

Leave a Comment