UPANG matiyak ang kanilang kaligtasan, mahigpit ang panawagan si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW) na kaagad umaksyon at i-repatriate ang overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa kaguluhan sa pagitan ng Israeli forces at Palestinian militant group na Hamas.
Kasabay nito, tiniyak ni Speaker Romualdez na pagkakalooban rin ng P500,000 personal na tulong sa pamilya ng ikatlong Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan.
Matatandaang una na ring sinabi ni Speaker Romualdez, na siya, katuwang si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez, ay magbibigay ng personal na tulong na tig-P500,000 sa pamilya ng dalawang Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan sa Israel.
Nagpahayag rin naman ng labis na pag-aalala ang mambabatas para sa kaligtasan ng mga Pilipino na naiipit sa kaguluhan kaya nanawagan sa DFA at sa DMW na agad iproseso ang pagpapa-uwi sa mga OFW na nasa Israel at Gaza strip na hawak ng Hamas.
Anang lider ng Kamara, ang pagnanais ng mga Pinoy na makauwi na sa bansa ay isang indikasyon umano ng kung ano ang sitwasyon sa nagaganap na Israel at Gaza.
Pahayag pa niya, “What we’ve learned from DFA and credible news sources is that nearly a hundred OFWs based in Israel are eager to return to the Philippines.”
Dagdag pa ng House Speaker, “I am confident in the preparedness of our Armed Forces, with their C-130 aircraft at the ready to transport and bring our OFWs safely back home. But I believe the DFA and DMW have the necessary funds to facilitate the repatriation of our OFWs, enabling them to charter flights for this purpose.”
Batay sa datos mula sa DFA, sa 131 Pilipino sa Gaza, 92 indibidwal ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi sa Pilipinas. Sa Israel naman, hindi bababa sa 22 Pilipino ang pormal na nag-request na sila ay iuwi sa bansa.
Ayon kay Speaker Romualdez ang mga mercy flight ay hindi naman kailangang lumapag sa Israel dahil maaari itong gawin sa Egypt o Jordan para matiyak ang kaligtasan ng mga OFW.
Nanawagan din si Speaker Romualdez sa mga OFW na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy upang maproseso ang kanilang pagbabalik sa bansa.
“The safety and welfare of Filipino citizens are paramount, and we are committed to working closely with the DFA, DMW, and other relevant authorities to ensure the swift and secure repatriation of our OFWs from the conflict areas,” sabi ng lider ng Kamara.
Samantala, bukod naman sa tulong pinansyal, nangako rin si Speaker Romualdez na maghahanap ng paraan upang madagdagan ang kinikita ng pamilya ng mga nasawi at susuportahan ang pagbangon ng mga ito mula sa trahedya.
269