PAGKAMATAY NI ZULUETA IPASISILIP SA FORENSIC EXPERT

NAGPASAKLOLO na ang Department of Justice (DOJ) sa kilalang forensic pathologist para matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng co-accused sa Lapid slay case na si dating BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta.

Nabatid, nagkaroon ng pagdududa sa panig ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla kaya inatasan nito ang National Bureau of Investigation na humingi ng tulong kay Dr. Raquel Fortun na isang forensic expert.

Ipinag-utos din ng kalihim na gawin ang lahat ng posibleng paraan, ibunyag ang katotohanan at huwag hayaan ang sinoman na pigilan sila sa pagpursige sa pananagutan at paghahatid ng hustisya.

Base sa reports, sinabi ng DOJ na namatay kalaunan si Zulueta matapos isugod ng kapatid sa ospital dahil sa labis na pananakit ng dibdib. Subalit ayon sa ahensiya, lumalabas sa death certificate ni Zulueta na ang kanyang ikinamatay ay cerebrovascular disease intracranial hemorrhage na nagdulot ng kalituhan sa tunay na dahilan ng ikinamatay nito.

Hinimok naman ng DOJ ang Philippine National Police (PNP) na ibahagi ang kanilang findings kaugnay sa dahilan ng pagkamatay ni Zulueta.

Ayon sa DOJ, mayroong nakabinbing warrant of arrest ang dating BuCor official kasama si dating BuCor Director General Gerald Bantag kaugnay sa umano’y pagpatay sa broadcast journalist na si Percy Lapid at middleman sa krimen na si Jun Villamor.

(JULIET PACOT)

67

Related posts

Leave a Comment