REVOCATION NG PRANGKISA NG SMNI ‘DI AAPURAHIN SA SENADO

NANGAKO si Senate committee on public services chairperson Grace Poe na pag-aaralang mabuti at susuriin ang panukala para sa revocation ng prangkisa ng Swara Sug Media Corp. na nag-ooperate Sonshine Media Network International (SMNI).

Ginawa ni Poe ang pahayag makaraang aprubahan ng Kamara ang House Bill 9719 na nagsusulong ng revocation ng prangkisa ng kumpanya dahil sa umano’y pagkakalat ng maling impormasyon, paglilipat ng ownership nang walang congressional approval at iba pang alegasyon.

Alinsunod sa konstitusyon, ang mga panukala na may kinalaman sa prangkisa, pagbubuwis at public debt ay kinakailangang magmula sa Kamara bago talakayin ng Senado.

Sinabi ni Poe na sa kanyang pagkakaalam ito ang unang pagkakataon na may panukala para sa franchise revocation na naisulong sa Kamara kaya’t kailangan itong pag-aralang mabuti dahil magsisilbi itong precedent ng mga susunod na legislative franchises.

Sinabi ni Poe na sa pagtalakay sa panukala, magsisilbing gabay nila ang prinsipyo na ang prangkisa ay isang pribilehiyo na may mga karampatang responsibilidad.

Bagama’t agad anyang tatalakayin ng kanyang komite ang panukala, dedepende naman sa liderato ng Senado ang prioritization nito sa pagtalakay sa plenaryo.

Nasa Senado na ang bola sa pagbawi sa prangkisa ng Swara Sug matapos itong aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.

Sa botong 284 pabor, 4 ang kumontra at 4 ang hindi bumoto, pinagtibay ang House Bill (HB) 9710 na inakda ni 1Rider party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez para bawiin ang prangkisa ng SMNI dahil sa iba’t ibang paglabag umano sa batas kasama na ang pagpapakalat ng fake news, paninira na walang basehan.

Matapos ang botohan, nagmosyon si Isabela Rep. Inno Dy na agad ipadala sa Senado ang inaprubahang panukala kung saan maghihintay ang Kamara ng aksyon ng mga senador bago ito isalang sa bicameral conference committee upang tuluyang aprubahan.

Sa ngayon ay wala pang panukalang batas na nakahain sa Senado para bawiin ang prangkisa ng SMNI na nakatakdang mapaso sa 2044.

Kabilang sa mga bumoto ng pabor sa pagbawi sa prangkisa ng SMNI na pag-aari umano ni Pastor Apollo Quiboloy ang Makabayan Bloc dahil ginagamit umano ang nasabing media network para sa pagpapakalat ng fake news at pagred-tag sa mga kritiko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

60

Related posts

Leave a Comment