PAGKONTRA NG DEPED SA CHA-CHA WA EPEK

IPINAGKIBIT-BALIKAT lamang ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkontra ng Department of Education (DepEd) sa economic Charter change (Cha-cha).

Sa press conference, sinabi ni Mandaluyong Rep. Neptali “Boyet” Gonzales III na nirerespeto ng mga ito ang posisyon ng DepEd na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte subalit hindi aniya ang mga ito ang huling magdedesisyon kundi ang mga mambabatas.

“As to whether or not ang DepEd, oppose it or iyong some other people opposes it, ganoon talaga eh, at the end of the day basta magbobotohan diyan, whether their stands were able to influence the Congressman will be revealed later in the outcome of the voting, but as I’ve said, we respect kung ano ang position ng DepEd diyan,” ani Gonzales.

Sa deliberasyon ng House committee of the whole sa Resolution of Both Houses (RBH) No.7, sinabi ni DepEd Undersecretary Omar Alexander Romero na maaapektuhan ang mandato ng ahensya kapag pinayagan ang mga dayuhang negosyante na magkaroon ng 100 percent ownership sa mga sektor ng edukasyon.

Ikinadismaya ito nina Iloilo Rep. Janette Garin at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez dahil tanging ang DepEd sa lahat ng ahensya ng gobyerno ang sumusuway sa kagustuhan ng Pangulo na amyendahan ang economic provisions sa Saligang Batas.

Maging si Taguig Rep. Amparo Maria Zamora, hindi nababahala na hindi maipasa ang RBH No.7 dahil lang sa pagkontra ng DepEd dahil tulad ni Gonzales ay hindi ang ahensya ang magdedesisyon kundi ang mga congressman at kalaunan ay ng taumbayan sa pamamagitan ng plebisito.

Kinontra rin ng mambabatas ang posisyon ng DepEd na lalaylay ang patriotismo ng mga Pilipino kapag dumami ang international school sa bansa at pamunuan ito ng mga dayuhang negosyante.

(BERNARD TAGUINOD)

63

Related posts

Leave a Comment