SOBRA NA, PALAGAN NA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ANO kaya ang masasabi ng mga Pinoy na patuloy na kumakampi pa rin sa China, sa panggagago nito sa ating bansa, partikular sa West Philippine Sea (WPS), at ngayon ay pinapasok na rin nila ang Philippine Rise na mas mayaman sa lamang dagat at mineral kumpara sa South China Sea?

Alam natin na marami pa ring mga opisyales ng gobyerno na nakaupo ngayon ang kakampi ng China. Hindi na kailangang isa-isahin at pangalanan pero marami sila at obvious naman kung sino ang mga ito dahil kapag hina-harass ng Chinese Coast Guard at Chinese militia ang ating puwersa at mga mangingisda, ay nanonood lang sila.

Buti pa ang foreign ambassadors na kumokondena sa agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea, pero ang mga opisyales pa man din natin na nanumpang ipagtatanggol ang ating bansa, ay nakabibingi ang pananahimik.

Marami ring bayarang trolls at mayroon din sa media ang nagtatanggol sa China, imbes na makiisa para ipagtanggol ang ating soberanya at karapatan sa WPS. Sabagay, kahit saang bansa, may traydor sa inyong mismong kalahi.

Pero nakababahala na ang sitwasyon sa WPS, dahil kung noon una ay binubuntutan lang ng mga Chinese Coast Guard ang mga barkong nagdadala ng supply sa BRP Sierra Madre, ngayon ay sinasadya na silang banggain at direktang binobomba na sila ng tubig.

Hindi ito dapat hayaan ng gobyerno na magpatuloy. Kailangan na silang palagan dahil sobra na sila at baka dumating ang araw na palulubugin nila ang ating barko at isisi sa atin tulad ng kanilang propaganda na tayo pa raw ang tila naghahamon dahil pumapasok tayo sa kanilang teritoryo.

Nakalimutan na ng China na sila ang nanghimasok sa ating teritoryo sa WPS at ngayong na-establisa na nila ang kanilang presensya ay binabaliktad na tayo. Ugaling kawatan at tulisan talaga.

Alam natin na wala tayong laban sa kanila pagdating sa Armed Forces dahil sila raw ang number 3 pagdating sa military might sa buong mundo, pero kung hindi tayo papalag, hindi malayong maagaw rin nila ang Benham Rise.

Nasa east side ang Benham Rise at kung magtatagumpay sila na makontrol ang teritoryong ito dahil maaari nilang ikatuwiran na dumaan doon si Limahong , ay mapalilibutan na nila tayo at baka nga mangyayari ang suhestiyon noon ni Digong na gawin na lang nila tayong probinsya nila.

Ngayon ay malinaw na kung bakit ayaw ng China na magkaroon ng Navy sa Batanes dahil tinatarget talaga nila ang Benham Rise na mas malaki pa sa isla ng Luzon, lalo na’t nauubos na nila ang lamang dagat sa WPS dahil sa rami ng ipinadadala nila para magnakaw ng mga isda sa Pinas, este mangisda pala.

Billion ang populasyon ng China na kailangan nilang pakainin kaya mang-aagaw talaga ang mga ‘yan ng teritoryo at malas tayo dahil alam nilang wala tayong laban sa kanila kapag nagkagiyera kaya kinakaya-kaya lang nila tayo.

At ang masakit pa, mayroon pa silang kakampi sa Pinas na nagtatanggol sa kanila. Ano ang tawag ni Andres Bonifacio sa mga ganyang tao noong panahon nila? Traydor ba?

41

Related posts

Leave a Comment