PAGLABAG NG SMNI SA BROADCASTERS CODE PINASISILIP SA NTC

PINAIIMBESTIGAHAN ng isang grupo ng mga mambabatas sa National Telecommunication Commission (NTC), ang posibleng paglabag ng Sonshine Media Network International (SMNI) ni Apollo Quiboloy.

Kasama ito sa nilalaman ng House Resolution (HR) 1428 na inakda ng Makabayan bloc para hilingin sa Kamara na kondenahin ang direktang pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay House Deputy Minority Leader at ACT Party-list Rep. France Castro.

Ayon sa resolusyon, hindi dapat palagpasin ng NTC ang patuloy na paglabag ng SMNI at maging si Duterte, sa Code of Ethics ng sector ng pamamahayag at maging sa iba pang umiiral na mga batas sa bansa.

“SMNI also violates numerous provisions of the 2007 Broadcaster Code of the Philippines, which is the code of professional and ethical standard for the members of the Kapisanan ng Broadcaster ng Pilipinas. In particular, SMNI violated its duties as regard the credibility sources and report, prohibition of personal attacks, correcting mistakes, and others,” bahagi ng resolusyon.

Nagpapagamit din umano ang SMNI sa isang grupo para i-red tag ang mga kritiko ng nakaraang administrasyon, kaya nalalagay sa panganib ang buhay ng mga inosenteng mamamayan na inaakusahan nilang mga komunista.

Dahil dito, kailangan anilang kumilos ang NTC at patawan ng parusa ang nasabing network at mga broadcaster ng mga ito dahil kung hindi ay patuloy na lalabagin ng mga ito ang mga batas.

Magugunita na sa isang TV program ni Duterte sa SMNI, naglabas ito ng galit matapos tanggalan ng Kamara ng confidential funds ang kanyang anak na si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa ilalim ng 2024 national budget.

Partikular na pinuntirya ni Duterte si Castro sa pagsasabing “Pero ang una mong target dyan (sa) intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga komunista ang gusto kong patayin”.

Noong nakaraang buwan ay nagsampa na si Castro ng kasong grave threat laban kay Duterte sa Quezon City Prosecutors Office subalit nais ng kanyang grupo na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang NTC at aprubahan ng Kamara ang kanilang resolusyon na kondenahin ang pagbabanta ng dating Pangulo sa aktibong miyembro ng Kapulungan.

(BERNARD TAGUINOD)

206

Related posts

Leave a Comment