PAGLAGANAP NG JUETENG SA BAYAN NG LOBO IKINABABAHALA

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang mga residente partikular ang mga negosyante sa bayan ng Lobo sa Batangas sa laganap umanong operasyon ng ilegal na sugal sa kanilang lugar.

Ayon kay Efren Ramirez, isa sa mga negosyante, dapat agad aksyunan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at pulisya ang problema sa jueteng at iba pang uri ng sugal kasunod na rin ng pagkakaaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang konsehal kamakailan.

Ang konsehal ay inakusahang operator ng illegal gambling den.

Nabatid na labing lima katao ang dinampot ng mga awtoridad sa gambling den ng hindi pinangalanang konsehal na naaktuhang naglalaro ng mahjong. Kasunod nito ay may inaresto pa na 21 katao na sangkot naman sa jueteng.

Puna ni Ramirez, nagpapakita ito ng tahasang kawalan ng disiplina at paggalang sa batas, lalo na mula sa mga dapat na tinitingalang lider ng komunidad.

Ikinababahala rin nila na ang mga ilegal na aktibidad ay nangyayari sa hindi kalayuan sa munisipyo at pamilihang bayan. “Kataka-takang ang mga pangyayaring ito ay nalilingid sa kaalaman at karampatang aksyon ng namumuno sa ating bayan.

Gayunpaman, natutuwa at nagpapasalamat tayo sa kasipagan ng ating kapulisan sa pagsugpo ng ilegal na sugal sa bayan ng Lobo. Gayundin ang ating papuri sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) partikular sa naging mahusay din nilang aksyon para sugpuin ang ilegal na jueteng sa bayan,” saad pa ni Ramirez.

Kaugnay nito, nanawagan ang grupo ni Ramirez sa mga lokal na opisyal na tutukan ang kaligtasan at kaayusan sa Lobo.

Pinuna rin nila ang mga patakaran sa mga lehitimong nagnenegosyo na anila’y hindi dapat pinahihirapan.

“Ang Lobo ay hindi bayan ng sugal kaya dapat lamang na palayasin ang mga taong dahilan ng paglaganap nito,” dagdag ni Ramirez.

(DANNY BACOLOD)

55

Related posts

Leave a Comment