PAGPAPALAWIG SA KONTRATA NG COS, JO WORKERS PINABORAN NI NOGRALES

(JOEL AMONGO)

PABOR ang chair ng House of Representatives’ labor and employment committee sa hakbang ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na palawigin ang kontrata ng mga contract of service (COS) at job order (JO) workers sa gobyerno na nakatakdang magtapos ngayong Disyembre.

“Napakaagang pamasko ito para sa ating mga COS at JO sa pamahalaan. Marami-raming mga kababayan natin ang makikinabang sa direktibang ito. Ngayon, makapagtatrabaho sila nang walang pangamba na pagkatapos ng taon ay mawawalan sila ng kabuhayan,” ani Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles.

Ang hakbang ng Pangulo ay magbebenepisyo sa 832,812 COS at JO employees na kumakatawan sa 29.68 percent (as of June 30, 2023) ng government workforce. Ang nasabing mga pigura ay nakapagtala ng 29.71-percent increase mula taong 2022.

Nagpahayag din ng buong suporta si Nograles sa pahayag ng Pangulo para sa mga ahensya ng gobyerno na bumuo ng COS at JO workers’ skills at kapasidad sa pamamagitan ng muling pag-aaral at pagsasanay para makatulong sila sa mga institusyon.

“Of course, we want our civil service to be composed of competent people who are able to fulfill the unique demands of public service.”

“Kung mabibigyan ng karampatang training ang ating mga JO at COS, mabibigyan sila ng pagkakataon na makuha ang mga plantilla positions na nahihirapan rin tayong punuin,” anang mambabatas.

Ang COS ay tumutukoy sa pakikipag-ugnayan ng mga serbisyo ng indibidwal, private firm, iba pang government agency, non-government agency, o international organization bilang isang consultant, learning service provider o technical expert upang isailalim sa special project o trabaho sa loob ng tinukoy na panahon.

Samantala, ang JO ay tumutukoy sa piece-work (pakyaw), intermittent or emergency jobs na isasailalim para sa isang ‘short duration and for a specific piece of job.’

Ang limang national government agencies na may mataas na bilang ng COS at JO workers kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH), 29,275; Department of Health (DOH), 18,264; Department of Education (DepEd), 15,143; Department of Social Welfare and Development (DSWD), 13,770; at Department of Environment and Natural Resources (DENR), 10,990.

62

Related posts

Leave a Comment