NAIS ni Senador Robin Padilla na busisiin sa Senado ang lohika ng pagpapatupad ng gun ban na saklaw ang mga gunowners na tumatalima sa lahat ng regulasyon para sa pagdadala ng armas.
Sinabi ni Padilla na tatanungin niya ang Commission on Election kung bakit kailangang ang mga responsible gun owners ang apektado ng gun ban habang ang mga kriminal ay malayang nakakagamit nito.
“Meron din isa pang hakbang tatanungin din natin bakit kapag election bakit gun ban at pinahihirapan ang mga legal gun holder pero ang mga kriminal sila ang may baril.
Bakit lagi tayo apektado kapag gun ban,” pahayag ni Padilla.
“Ito po ang gusto nating ihearing kasi napakalaking kalokohan yung mga legal holders iga-gun ban mo, pero gun for hire sila ang may baril,” dagdag nito.
Kinumpirma ni Padilla na sa pagbabalik ng sesyon ay maghahain siya ng resolusyon para sa pagsisiyasat.
Sinimulan na anya niya ang kampanya para sa responsableng pag-aarmas sa pamamagitan ng paghikayat sa lahat na idaan sa ligal na paraan ang pagbili at pagkakaroon ng baril.
“Di ko makuha logic, legal sila ang iga-gun ban mo,” diin ng senador.
Kung ang pag-uusapan naman anya ang batas kaugnay sa baril ay wala na siyang nakikitang probisyon na dapat baguhin dito.
“Wala naman po ako naman po ay sampalataya naman dyan yun lang po sa gun ban para sa akin walang logic, ano yun bakit ako sumusunod ako sa batas, lahat ng gusto nyo ginawa ko ako ang ginunban nyo,” diin pa ng mambabatas.
(Dang Samson-Garcia)
127