PAGSASABATAS NG ‘NO WANG-WANG’ ITINULAK SA SENADO

BILANG suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbabawal sa wang-wang at iba pang signaling devices, isinusulong ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang panukalang nagbabawal sa paggamit nito sa mga sasakyan maliban na lamang sa pinapayagan ng batas.

Inihain ni Villanueva ang Senate Bill 2635 na nagsasaad na ang tanging pinapayagan na gumamit ng mga nabanggit na signaling devices ay ang mga sasakyan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Corrections, Bureau of Jail Management and Penology at iba pang law enforcement agencies.

Tinukoy sa panukala na ang iresponsableng paggamit ng mga ganitong uri ng devices ay nagdudulot ng panganib sa iba.

Nakasaad din sa panukala ang paghihigpit sa pag-manufacture, pag-aangkat, distribusyon, pagbebenta at promosyon ng emergency vehicle lights at audio accessory maliban sa mga volunteer firefighter organizations at private healthcare facilities na gagamit ng private ambulance kaakibat na mayroon itong BJMP o DOH permit.

Ang lalabag ay pagmumultahin ng P1,000 hanggang P5,000 at posibleng makansela ang driver’s license ng isang taon habang ang mga ilegal na gagawa at magbebenta ay pagmumultahin ng mula P50,000 hanggang P100,000 sa bawat benta.

(DANG SAMSON-GARCIA)

39

Related posts

Leave a Comment