Pangako ng yumaong si FM siningil CLAIMANTS NG MARCOS ‘HIDDEN WEALTH’ SUMUGOD SA BSP

SUMUGOD sa harapan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Miyerkoles ng umaga ang libong claimants ng umano’y tagong yaman ng mga Marcos upang kubrahin ang ipinangako sa kanila.

Ayon sa kanilang lider na si Novel Prince Gilbert Salvador, kailangan nang ipamigay ang kayamanan ng namayapang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. dahil fully matured na ito. Noong 2016 aniya una silang nagtungo sa BSP.

Sa loob aniya ng lumipas na 8 taon sila ay naglakbay sila patungong Maynila upang malaman ng taumbayan na mayroong batas na kailangang ipairal at ipatupad at ito ay ang Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas – ang 1987 Philippine Constitution.

Paliwanag ni Salvador, dala nila ang sertipikasyon na inisyu ng Treasury Department ng BSP noong 2005 na nagpapatunay na mayroong kayamanan na ibabahagi sa kanila.

Ang mga claimant umano na tinatayang 4,000 ay mula sa mga probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Todo-bantay naman ang mga tauhan ng Manila Police District upang mapanatiling maayos ang trapiko sa lugar na halos naokupahan na ng mga claimant na karamihan ay senior citizen.

(JOCELYN DOMENDEN/RENE CRISOSTOMO)

68

Related posts

Leave a Comment