BATANGAS – Inilalatag na ng mga grupong makakalikasan ang anila’y mga panuntunan kaugnay ng taunang tigil-pangingisda sa mga karagatang sakop ng Batangas upang bigyang daan ang paglaki ng mga yamang dagat sa taong 2022.
Kasabay ng isang pulong sa pagitan ng Batangas Marine Protected Area at Bantay Dagat Network, inilunsad na rin ang temang “Panandaliang Sakrupisyo, Pangmatagalang Benepisyo” bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa dalawang buwang “closed season” na hudyat ng pansamantalang pagtigil ng anomang pangingisda sa mga anyong tubig sa nasabing lalawigan.
Nakatakdang magsimula ang tigil-pangingisda sa unang araw ng Disyembre at magtatapos sa Enero 31 ng susunod na taon.
Sa ilalim ng nasabing programa, ginugugol ang dalawang buwang pahinga sa pangingisda sa pagpapayabong ng mga yamang-dagat. Pagtuntong ng Enero, magsisimula na rin anila ang
pagbabantay sa paggamit ng pinong lambat na taliwas sa probisyong lumikha ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC).
Giit ng dalawang grupo, dapat bigyan ng panahong lumaki ang mga juvenile fish o maliit na isdang bunga ng “closed season.”
Bilang tugon naman ng pamahalaang panlalawigan, mahigpit din ipatutupad ang unified ordinance sa buong Batangas bilang suporta sa naturang programa.
Target ng kapitolyo ang pangingitlog, pagpaparami at pagpapalaki ng mga galunggong at matambakang karaniwang isinusuplay ng lalawigan ng mga pamilihang bayan sa Metro Manila. Ito rin anila ay magbibigay ng mas malaking pakinabang sa kanilang mga mangingisda.
Taong 2014 nang umpisahan ang taunang “closed season” na magkakatuwang na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO) at ng mga local government units ng Batangas City, Balayan, Bauan, Calaca, Calatagan, Lemery, Lian, Lobo, Mabini, Nasugbu, San Juan, San Luis, San Pascual, Taal at Tingloy. (CYRILL QUILO)
2154