WALA BA TALAGANG SILBI ANG NFA?

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

HARVEST season ngayon sa Cagayan at iba pang mga lugar sa bansa pero imbes na masaya ang mga magsasaka dahil magkakapera sila ay naluluha na lamang sila dahil mistulang walang silbi ang Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA).

Maraming magsasaka ang napipilitang magbenta ng fresh o bagong ani na hindi pa nabibilad dahil walang drying facilities subalit binabarat ng rice traders ang kanilang ani dahil binibili lang nila ito ng P14 kada kilo.

‘Yung iba naman na naka-una sa highway o kahit sa maliliit na kalsada ay nakabibilad para tumaas naman kahit papaano ng P18 kada kilo ang kanilang benta, pero sa rami ng nagbibilad, marami talaga ang napipilitang ibenta agad ang kanilang bagong ani sa rice traders na may pasilidad, nang murang-mura.

Ang maliliit na rice traders naman ay magbebenta ng kanilang mga nabiling palay sa malalaking bodega sa halagang P19.50 kada kilo pero maraming magsasaka ang gustong magbenta sana sa NFA dahil bumibili raw ng P24 kada kilo.

Eto ang siste, hindi bumibili ang NFA ng fresh o bago ani. Kailangang tuyong-tuyo na ang palay na dadalhin sa kanila kaya ‘yung mga nakauna sa mga highway at maliliit na kalsada para magbilad, ay dinadala ang kanilang ani sa NFA para mabenta nang mas mahal.

Pero alam n’yo ba na scheduling ang pagbili ng NFA ng ani ng mga magsasaka na hindi dapat dahil marami o halos lahat ng mga magsasaka ay walang sariling imbakan ng palay? Anong kalokohang ito, DA Secretary Kiko Tui-Laurel?

Tulad ng lamang ng isang magsasaka na nagtext sa akin para i-report ang kanyang karanasan sa NFA:

“Grabe pa schedule (para magbenta ng palay) ako last week sabi nila April (pa), nakita sa facebook may nagbebenta na panay pic(ture) taking nila na open na sila, ngayon nagdala ako 100 bags wala raw silang space problema ba ng farmers yon?”

“Kawawa farmers, benebenta na namin sa traders ‘yung palay saka sila bibili, na problema ng farmers kung wala silang space sa bodega nila”.

Kung ganitong-ganito ang inaasta ng NFA, talagang hindi nila matutulungan ang mga magsasaka para kumita man lang kahit papaano kung anihan, at magkaroon sila ng kontrol sa supply at presyo ng bigas na sinasamantala naman ng rice cartels.

Hindi lang ang mga magsasaka ang kawawa rito kundi ang consumers na halos hindi na kaya ang presyo ng bigas dahil tila walang silbi talaga ang NFA, lalo na ang DA na pinamumunuan ni Laurel.

Ano, iaasa na lang natin sa importasyon ang pagkain ng mga Pilipino dahil mas malaki ang kita ng traders sa mga imported rice kaysa local rice? Kayo talaga ang ugat ng problema eh.

45

Related posts

Leave a Comment