PANININGIL NG VENDORS NG SIM SA REGISTRATION NO PROBLEM SA DICT

WALANG nakikitang problema ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kung maningil man ang mga retail vendor sa SIM card users sa paggamit ng internet para irehistro ang kanilang SIM card.

Napaulat kasi na may retail vendors ang naniningil ng P20 at P50 para sa paggamit ng “internet” ng mga bagong user para iparehistro ang  kanilang SIM card.
Sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na walang paglabag sa batas sa bagay na ito.

“Well, actually it’s a private transaction between the SIM card holder and the, and the SIM seller ‘no, retailer ba ito? Mga retailer, nasa palengke, oo. So, it’s a private transaction between them,” ayon kay Uy sa isang press briefing.

“Hindi naman siguro lumalabag sa batas na mag-charge sila ng kaunting fee dahil may gastos rin naman sila. Katulad lang nun, data nila ang ginagamit, so may gastos sa kanila iyon. And I think 20 pesos is very, very reasonable,” dagdag na wika nito sabay sabing “And for many na medyo digitally challenged, I think nakakatulong naman iyon. Otherwise, magpatulong sila sa anak nila, sa pamangkin nila, sa mga apo nila.”

Samantala, sinisisi naman ni Uy ang mga Pilipinong matitigas ang ulo dahil sa kabiguan ng mga ito na iparehistro ang kanilang SIM card  bago pa ang deadline.

Umaasa ang Kalihim na kikilos na ang mga ito sa ibinigay na 90 day extension para sa SIM card registration.

Sinabi pa Uy na noong hindi pa inaanunsyo na may ekstensyon para sa SIM card registration ay pumalo sa 1 milyon ang nagpaparehistro ng kanilang SIM card sa nakalipas na dalawang linggo.
“Actually, it had a very positive effect by not announcing any extension – nagkaroon tayo ng malaking registration in the past two weeks,” anito.

“So clearly, matitigas lang talaga ang ulo ng ating mga kababayan. They always just want the last minute and they’re always hoping for an extension. Kaya medyo we have to adopt a very, rather more, stronger stance against this continuing to provide extensions,” aniya pa rin.

Araw ng Martes, Abril 25, nang aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 90-day extension ng SIM card registration na nakatakdang magtapos sana noong Miyerkoles (Abril 26).

Ang Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act na nilagdaan ni Marcos Jr. noong 10 Oktubre 2022 ay naglalayong pigilan ang nakaaalarmang pagkalat ng spam messages at scam sa pamamagitan ng short messaging services (SMS) o text sa bansa. (CHRISTIAN DALE)

244

Related posts

Leave a Comment