PANLILINLANG SA CHA-CHA SIGNATURE CAMPAIGN Imbestigasyon ng Kamara ‘suntok sa buwan’

BAGAMAN walang kasiguraduhan na aaksyon ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, naghain pa rin ang Makabayan bloc congressmen na isang resolusyon para imbestigahan ang Charter change (Cha-cha) signature campaign.

Interesado ang 3-man Makabayan bloc sa Kamara na imbestigahan ang umano’y panloloko at signature-buying makuha lamang ang 3% ng registered voters sa bawat lugar o probinsya.

“Ang dami na naming natatanggap na report tungkol sa panloloko sa pagpapapirma para sa pekeng people’s initiative daw para sa Charter change. Mula Tarlac, QC, Caloocan at Cavite ang ilan sa mga natanggap naming report. Ang ilan ay pinangakuan ng ayuda, at iba naman ay isinabay ang pagpapapirma sa gift giving noong kapaskuhan. May report din na pati mga PWD ay nililinlang para papirmahin sa Cha-cha,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

Sa report na nakuha ng grupo ni Castro, sinimulan ang signature campaign sa signature gathering noong December 15, 2023 at natapos kahapon, Enero 14, 2024. Ihahain umano ang petisyon sa Commission on Elections (Comelec) ngayong araw, Enero 15.

Gayunpaman, itinuturing na panlilinlang sa mga botante ang ginagawa ng mga nangangalap ng pirma dahil sa mga report na pinapipirma muna ang mga ito bago sila bigyan ng ayuda habang ang iba naman ay sinasabing survey lamang ang kanilang ginagawa.

Ibinuko rin ni Albay Rep. Edcel Lagman na binabayaran umano ng P100 ang bawat pipirma sa petition paper na ang layon ay isulong ang joint voting ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa Constituent Assembly (ConAs) na gagamiting paraan para amyendahan ang 1987 Constitution.

“Ano mang tanggi ng mga nagsusulong ng Cha-cha ay hindi rin natin masisisi ang ating mga kababayan na isipin na maaaring pondo ng bayan ang ginamit dito lalo pa at may bagong tulak ang administrasyong Marcos para baguhin ang Konstitusyon at mukhang koordinado at may timeline na sinusunod ang kanilang ginagawa,” ayon pa kay Castro.

Nakababahala rin aniya ang rebelasyon ng kapatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si Sen. Imee Marcos na bibigyan ng karagdagang P20 million halaga ng proyekto ang bawat district congressmen na makapagdedeliber ng sapat na pirma.

Plano rin isabay sa imbestigasyon sa Kamara ang pro-Chacha ad na umere na sa mga telebisyon at atasan ang nasa likod nito na isapubliko kung saan kinuha ang pondo dahil hindi naniniwala si Castro sa pahayag ni Atty. Alex Avisado ng Gana Atienza Avisado Law Office na galing ito sa pribadong grupo na tumutulong sa kanilang kliyente na grupong PIRMA.

Sa nasabing pro-Chacha ads na pinamagatang EDSA-Pwera, sinisi ng mga ito ang Konstitusyon na bunga ng EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr., sa paghihirap ng mga tao.

“Hindi konstitusyon ang may kasalanan ng bumubulusok na economic status ng bansa kundi ang neoliberal na polisiya ng kasalukuyan at mga nagdaang administrasyon,” ayon pa kay Castro.

(BERNARD TAGUINOD)

144

Related posts

Leave a Comment