PANUKALANG 2024 BUDGET LUMOBO SA P6 TRILYON

AABOT sa mahigit P6 trilyon ang panukalang 2024 budget ng gobyerno matapos ang ilang pagbabagong idinagdag ng bicameral conference committee na niratipikahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ito ang inihayag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kasabay ng muling pagkwestyon nito sa idinagdag na P450 billion para sa unprogrammed appropriations.

Ipinaliwanag ni Pimentel na sa ilalim ng National Expenditure Program ng Marcos Administration nasa P281 billion lamang ang hiniling na unprogrammed appropriations na inaprubahan ng Kongreso.

Subalit matapos ang bicam conference ay umabot na sa P731 billion ang unprogrammed appropriations dagdag na P450 billion.

Ang naturang dagdag na pondo anya ay hindi pa nakapaloob sa P5.768 trillion kaya’t kung tutuusin ay aabot sa mahigit na P6 trillion ang proposed 2024 budget.

Kinuwestyon pa ni Pimentel ang constitutionality ng pagdaragdag ng pagtataas ng unprogrammed appropriations dahil nakasaad anya sa saligang batas ay hindi maaaring dagdagan ng Kongreso ang appropriations na hinihiling ng executive department.

Idinagdag pa ni Pimentel na ito na ang ikalawang taon na umakyat sa P6 trilyon benchmark ang national budget dahil maging ang kasalukuyang pondo ay tumaas din ang unprogrammed appropriations.

(DANG SAMSON-GARCIA)

210

Related posts

Leave a Comment