UPANG masawata ang mga pagtatangkang puwersahang pamamasko o harassment, mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pag-iinspeksyon ng business establishments sa lungsod ngayong holiday season.
Ito ay napag-alaman kay City Administrator Bernie Ang, matapos na mag-isyu ng memorandum sa mga sangay ng pamahalaang-lokal na may kinalaman sa pagsasagawa ng mga inspeksyon.
Sabi pa ni Ang, ang pagbabawal sa lahat ng uri ng inspeksyon ay epektibo kaagad at sumasakop sa lahat ng uri ng establisimyento kasama na ang shopping malls kung saan maraming stalls, gaya ng 168 at 999 mall sa Binondo area.
Nagbabala rin si Ang sa sinumang lalabag sa kautusan na sila ay mahaharap sa kaukulang aksyon, at binigyang-diin nito na mahigpit ang bilin ni Manila Mayor Honey Lacuna na sundin ang direktiba.
Ayon kay Ang, ang atas ay inilabas ni Mayor Lacuna upang tiyakin ang tuloy-tuloy at magandang operasyon ng pagnenegosyo sa Maynila lalupa’t sa tuwing holidays lamang sila nakakabawi at kumikita.
Idinagdag pa ni Ang na layon din ng pagbabawal na pigilan ang anomang pagtatangka na i-harass o perahan ang mga business establishment ng mga nagpapanggap na city hall inspectors.
Aniya, ang ganitong iligal na gawain ay kadalasang nangyayari kapag holiday season kung saan malimit na biktima ang mga negosyong pinatatakbo ng mga Chinese-Filipino o Tsinoy.
Kaugnay nito ay nanawagan din si Ang sa mga business establishment owners na i-report sa pamahalaang-lungsod kung may magtatangkang mag-inspeksyon sa kanila at kung maaari ay kunan ng litrato o video ang taong sangkot upang agad itong maaksyunan. (JESSE KABEL RUIZ)
31