DISMAYADO ang Kabataan party-list group dahil imbes tulungan makaahon sa kahirapan ang mga Pinoy ay gagamitin pa ang mga ito para matiyak ng mga politiko na magtagal sila sa kapangyarihan.
“Sa halip na tugunan ang mas matinding kagutuman at kahirapan sa ating bayan, pinagsasamantalahan pa ito ng mga nasa kapangyarihan para lokohin ang kapwa Pilipino at tiyakin ang poder nila sa pamamagitan ng Charter change,” ani Kabataan Party-list Executive Vice President Renee Louise Co.
Naniniwala ang grupo na isa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa nasa likod ng Cha-cha dahil wala umano itong ipinagkaiba sa ginawa ng kanyang amang si Ferdinand Marcos Sr., na inamyendahan ang Saligang Batas kaya nagtagal ito sa kapangyarihan.
Samantala, makukulong ng hanggang anim na taon ang mga political leader at maging ang mga taong gagamitin ng mga ito para magbayad sa mga taong pipirma sa kanilang isinusulong na People’s Initiatives (PI) para maamyendahan ang 1987 Constitution.
Ito ang babala ni Albay Rep. Edcel Lagman na nagsiwalat na P100 umano ang inilaang pondo para sa bawat pirma sa PI na makakalap ng mga taong nasa likod ng Charter change na sinimulang ilunsad ng mga lider ng AKO Bicol party-list sa Legazpi City, Albay.
Ayon sa mambabatas, hindi lamang ang Section 261 ng Omnibus Election Code ang malalabag kapag nagbayad ang mga nasa likod ng PI kundi maging ang Section 19 ng Republic Act (RA) 6735 o Initiative and Referendum Act.
Dahil dito, lalong nagdududa ang mambabatas sa motibo ng mga nasa likod ng PI.
Noong Enero 5, 2024, ipinatawag ang mga alkalde sa Bicol sa Ellis Hotel sa Legazpi City na pag-aari umano ni AKO Bicol party-list at House committee on appropriations chairman Elizaldy Co.
Dinaluhan umano ito nina dating Congressman Alfredo “Pido” Garbin at incumbent Ako Bicol Congressman Raul Angelo “Jil” Bongalon.
(BERNARD TAGUINOD)
184