EDITORIAL
BUMAGAL sa 3.9 percent ang inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa nitong Disyembre 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority. Mas mababa ito sa 4.1 percent inflation rate noong November 2023.
Ang pagbagal ng inflation ay dahil sa mas mabagal na pagtaas ng singil sa kuryente, tubig, gas, pagbaba ng presyo ng housing at ng mga pagkain.
Ikinatuwa ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang magandang balita, at nangakong palalakasin pa ang agrikultura para mas maging abot-kaya ang presyo ng pagkain at pangunahing bilihin.
Sa kabila nito, tumaas pa ang rice inflation sa 19.6 percent noong Disyembre 2023 mula sa 15.8 percent noong Nobyembre.
Kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas, iminungkahi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez kay Presidente Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang rice price cap.
Hindi nakatulong ang rice price cap para maibaba ang presyo ng bigas nang ipatupad ito ng gobyerno noong isang taon. Ang mungkahi ay panakip lamang sa kakulangan ng tunay na plano at aksyon hinggil sa kung paano kakayanin ng mga ordinaryong Pinoy ang hanggang langit nang halaga ng bigas.
Ngayon, anong akmang hakbang ang gagawin ng pamahalaan upang matupad ang pangakong abot-kayang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin?
Sa paanong paraan iaasa ng pamahalaan para makamit ang pinupuntiryang antas ng inflation at mapatatag ang presyo ng mga bilihin at serbisyo?
Mataas pa rin ang 3.9 inflation rate, at hindi ramdam ng nakararami ang epekto nito sa kanilang kabuhayan.
Hindi malinaw kung paano nagkaroon ng magandang balita kung patuloy na nakikipagbuno ang mga ordinaryong Pilipino sa presyo ng pagkain, pangunahing mga bilihin at ng serbisyo.
Habang nagdiriwang ang pamahalaan dala ng “magandang balita” ay nasa tabi-tabi lang ang agam-agam ng magiging epekto sa pamumuhay ng posibilidad na pagtaas ng pamasahe, kuryente, presyo ng produktong petrolyo at ang pinakamahalaga – ang presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin – dahil sa banta ng El Niño.
282