AMBISYONG PULITIKA SA CHA-CHA SA KAMARA

DISMAYADO ang isang mambabatas sa Kamara dahil imbes resolbahin ang pagtaas ng presyo ng bigas ay ang Charter change (Cha-cha) ang inaatupag ng mga ito.

Ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, tumaas ng P2 ang presyo ng kada kilo ng pinakamurang bigas sa bansa kahit unti-unti nang dumarating ang mga inangkat sa ibang bansa tulad sa India.

“Hindi Cha-cha ang pangunahing pinoproblema ng mamamayan kundi ang taas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng bigas,” ani Castro.

Sinabi ng mambabatas na inaasahan na lalong dadami ang bilang ng mga magugutom dahil pataas nang pataas ang presyo ng bigas na malayo sa ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na P20 kada kilo.

Base sa mga report, P54 na ang pinakamurang bigas ngayon sa merkado at pinangangambahan na lalo itong tataas kahit mag-angkat ang gobyerno ng karagdagang supply dahil tumaas ang presyo nito sa world market lalo na ang mula sa Vietnam at Thailand.

“Mawawalan din ng trabaho ang napakaraming mga tsuper kapag ipinilit ang PUV consolidation, dadagdag pa ito sa marami na ngang walang trabaho,” ayon pa sa mambabatas.
Sa kabila nito, ang ibinalandra aniya ng gobyerno ay Cha-cha.

Samantala, naniniwala naman si Agri party-list Rep. Wilbert Lee na kaya pang maabot ang P20 bawat kilo ng bigas kung bubuhusan ng subsidiya ang mga magsasaka upang tumaas ang kanilang kita at produksyon.

“Kung gusto nating maabot ang P20/kilo ng bigas, itong Cheaper Rice Act (House Bill HB 9020) ang nakikita nating solusyon, at dapat itong gawing priority measure para maisabatas na sa lalong madaling panahon,” anang mambabatas.

Sa ilalim ng nasabing panukala, papatungan ng P5 hanggang P10 ang presyo ng palay na bibilhin ng gobyerno sa mga lokal na magsasaka upang kumita at lalong ganahan ang mga ito na paramihin ang kanilang produksyon.

(BERNARD TAGUINOD)

57

Related posts

Leave a Comment