Para walang makupit ang ninja cops NASABAT NA DROGA SUNUGIN AGAD

IDIDIRETSO sa incinerator ang lahat ng drogang makukumpiska sa lahat ng anti-illegal drug operations kapag naisabatas ang isang panukala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Layon umano ng House Bill (HB) 9668 na inakda ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers na maiwasang kupitan ng tinaguriang ninja cops ang mga drogang makukumpiska.

“Kung maisasabatas natin ito, mapipigilan na natin and pilferage at recycling ng ilegal na droga at wala nang dahilan ang ating mga anti-drug agents na tumagal pa sa kanilang kustodiya ang anomang illegal na droga na kanilang nakumpiska,” ani Barbers.

Sa kasalukuyang batas, saka lang sisirain ang mga drogang nakumpiska kapag nasentensyahan na ang mga nahuling suspek kaya nagtatagal sa kustodiya ng mga otoridad ang kontrabando.

Dahil dito, maraming law enforcers ang natutuksong kupitan ang droga at ibinabalik ng mga ito sa lansangan para ibenta.

Kailangan na rin aniyang makipagtulungan ang lahat ng incineration facilities kasama na ang crematoriums sa pagsira ng mga ilegal na droga partikular na ang shabu na makukumpiska sa anti-drug operations.

“Kung maipapagamit sa atin nang libre ang mga incineration at cremation facilities para sunugin agad-agad ang mga kumpiskadong droga, maiiwasan na ang drug pilferage at recycling na matagal nang kinakaharap ng ating lipunan,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang hindi makikipagtulungan ay maaaring suspendihin ang operasyon o kaya bawiin ang kanilang business permit habang magkakaroon ang mga ito ng tax credit kapag ipinagamit ang kanilang pasilidad nang libre.

Tanging ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ahensya na mangangasiwa sa pagsira sa mga ilegal na droga kaya lahat ng makukumpiska ng Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agency ay obligadong isurender sa nasabing ahensya ang mga mahuhuli ng mga ito.

(BERNARD TAGUINOD)

77

Related posts

Leave a Comment