Kinakaharap na human trafficking, rape, atbp. bubusisiin QUIBOLOY, KOJC BABALATAN SA SENADO

PINAIIMBESTIGAHAN na rin ni Senator Risa Hontiveros ang umano’y ulat ng mga kaso ng large-scale human trafficking, rape, sexual abuse, child abuse at iba pang karahasan sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa ilalim ng pamunuan ng church leader na si Apollo Quiboloy.

Sa Senate Resolution 884 na inihain ni Hontiveros, inaatasan dito ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na magsiyasat sa sinasabing mga krimen sa sekta.

Nakasaad sa resolusyon na si Quiboloy na itinuturing ang sarili na “Appointed Son of God” at lider ng KOJC ay nagde-demand ng mahigpit na pagsunod mula sa kanyang mga full-time na tagasunod sa pamamagitan ng brainwashing, psychological manipulation, at walang tigil na banta sa mga miyembro na mapapahamak at mapupunta sa impyerno.

Bukod dito, nagmimintina rin si Quiboloy ng kababaihan sa kanyang relihiyon na tinatawag niyang “pastorals” na may espesyal na posisyon sa organisasyon dahil ang mga ito ang gumagawa ng kanyang mga personal na hiling at utos.

Sa mga pastorals umano nangyayari ang mga sekswal na pang-aabuso at may kababaihan pa na kahit menor de edad ay nare-recruit dito para magbigay ng sexual services sa kanilang pastor.

Lantad din umano sa exploitation ang mga miyembro lalo na ang mga kabataan dahil inaatasan ang mga ito na manlimos at magsolicit ng pera sa mga tao at kapag hindi nakaabot sa kanilang quota ay nahaharap naman ang mga ito sa matinding parusa at pamamahiya.

Matatandaan namang taong 2021 ay kinasuhan si Quiboloy at iba pang matataas na opisyal ng KOJC ng Federal Grand Jury sa California ng mga kasong may kinalaman sa sex trafficking by force, fraud at coercion.

(DANG SAMSON-GARCIA)

66

Related posts

Leave a Comment