SARA BINOKYA SA CONFI FUNDS

TULAD ng inaasahan, bokya sa confidential funds si Vice President Sara Duterte sa ilalim ng 2024 national budget.

Kahapon ay tuluyan nagkasundo ang mga senador at congressmen na miyembro ng Bicameral Conference Committee na aprubahan ang 2024 national budget na nagkakahalaga ng P5.678 trillion.

Ayon sa mga miyembro ng komite, hindi lamang ang Office of the Vice President (OVP) kundi ang Department of Education (DepEd) na pinamumunuan din ni Duterte ang binokya sa confidential funds.

Unang inirekomenda sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na tanggalin ang P500 million confidential funds ng OVP at maging ang P125 million na kahalintulad na pondo sa DepEd kung saan secretary si Duterte kasunod ng pagkakatuklas sa kontrobersyal na P125 milyong pondong ginastos ng Bise Presidente sa loob ng 11 araw noong 2022.

“Ayun po, nagpapasalamat kami sa Senado at tinanggap po ang aming pakiusap na ang Confidential fund ng mga government.. (ano tawag dun), Civilian agency na nasustain po at nasunod po ang House of Representative,” pahayag ni House appropriation committee chairman Rizaldy Co.

Unang nagpahayag ng pangamba ang mga kritiko ng gobyerno na posibleng ibalik ang confidential funds ni Duterte sa Bicam lalo na’t maraming senador ang kaalyado ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Natutuwa kami sa buong Senado at nag-agree po sila at pinatunayan nila na walang mangyayari katulad ng haka-haka na may mangyayari sa Bicam na maibabalik ang confidential fund especially sa education na ano.. and hindi po ito naibalik and na-sustain ho natin yung kagustuhan din ng ating mga kababayan na iwasan na po itong confidential controversial fund,” dagdag pa nito.

Inaasahan na raratipikahan ang Bicam report sa plenaryo ng dalawang kapulungan ng Kongreso bago mag-adjourn ngayong linggo at mapirmahan ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bago matapos ang taon.

(BERNARD TAGUINOD)

95

Related posts

Leave a Comment