PDEA TIKOM-BIBIG SA PAHAYAG NI SEN. BATO

HINDI muna naglabas ng kanilang pahayag ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency hinggil sa naging pahayag ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na tunay ang umano’y leaked documents mula sa nasabing anti-drug agency ng pamahalaan, sa likod ng hinalang posibleng AI-generated lang ang mga ito.

Ilang opisyal ng PDEA ang sinubukang kunan ng panig hinggil sa pahayag ni Sen. Bato dela Rosa sa ginaganap na Senate hearing, hinggil sa leaked pre-operational document ng ahensya, na sinabing handa niyang ipusta ang kanyang buhay na totoo ang nasabing leaked documents na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Tanging si PDEA Information Office chief, Director Derrick Carreon ang tumugon subalit sinabing hindi muna sila maglalabas ng anomang pahayag dahil ongoing pa ang sinasabing senate hearing.

“Sir ongoing pa po ang Hearing. We will wait until the Hearing is terminated sir,” ani Director Carreon.

“Kung sinabi ng PDEA na ito ay AI-generated, na ito ay gawa-gawa lang sa computer, ay hindi po ako makapaniwala,” ani Dela Rosa sa panayam ng mga mamamahayag.

Magugunitang unang inihayag ng PDEA na peke ang nasabing pre-operational documents kasunod ng babala sa publiko na huwag maniniwala sa ipinakakalat na mga alegasyon lalo pa at nasa panahon tayo na uso na ang Artificial Intelligence na kayang makalikha ng realistic fake videos, spurious documents.”

Nilinaw din ni Dela Rosa ang nauna niyang pahayag na naniniwala siya sa inilabas na pahayag ng PDEA na wala sa kanilang records ang allegedly leaked documents.

Posible umanong totoo ang pahayag ng PDEA na hindi bahagi ng kanilang records ang nasabing documents pero hindi umano nangangahulugan na hindi totoo ang nasabing documents.

Binigyang diin ni Dela Rosa na dating Philippine National Police chief, na may mga marking ang nasabing dokumento na posibleng magpatunay sa authenticity nito kabilang ang punch-hole marks na kitang-kita sa photocopy.

“Kung sinabi nila na non-existent talaga ‘yang papel na yan,’ di ako naniniwala,” ani Dela Rosa.

Nakasaad din umano sa nasabing alleged leaked documents na ang mga sasakyang gagamitin sa PDEA surveillance operation ay “organic” vehicles ng ahensya.

Subalit nilinaw rin ni Dela Rosa na ang ginagawa nilang Senate investigation sa umano’y leaked documents ay “in aid of legislation, not in aid of persecution.”

Nabatid na maging si Sen. Dela Rosa ay nagsabing na hindi kasama si Pangulong Marcos sa PNP narco-list. Maging ang PDEA ay pinabulaanan din ang akusasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kasama sa PDEA’s drug watchlist si Pangulong Marcos.

Nabatid na nakatakdang ipatawag ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa susunod nilang pagdinig sa Mayo 7, 2024, ang social media vlogger na si “Maharlika” na naglabas umano ng dalawang dokumento na nagdedetalye sa PDEA operation laban sa dalawang personalities noong 2012.

Isang Maricel Soriano na sinasabing occupant ng condominium, ang target ng surveillance operation at isang dating executive secretary.

(JESSE KABEL RUIZ)

122

Related posts

Leave a Comment