(BERNARD TAGUINOD)
PARA kay ACT party-list Rep. France Castro, labag sa Konstitusyon ang proseso ng minadaling economic Charter change ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Unconstitutional ang ginagawa ng Kongreso ngayon na proseso na pag-aamyenda ng Konstitusyon. Walang fourth mode ang pagbabago ng Konstitusyon. Maaari lamang itong gawin sa pamamagitan ng Constitutional Assembly, Constitutional Convention at People’s Initiative. Wala nang iba,” aniya.
Ayon sa mambabatas, kung buhay lang ang mga bayani tulad ni Gen. Antonio Luna ay muli itong sisigaw ng “Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili? Pumili ka!” habang ang sigaw naman aniya ngayon ng taumbayan ay “Kabuhayan, lupa, kasarinlan at karapatan! Hindi Cha Cha!”
Bagama’t nagtagumpay ang liderato ng Kamara na maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 o economic Cha-cha, wala rin itong silbi dahil hindi inaaksyunan ng Senado.
Naniniwala si Rep. Castro na hindi pa rin binibitawan ng liderato ng Kamara ang posibilidad na dalhin sa Comelec ang inaprubahang eco Cha-cha kapag hindi ito inaksyunan agad ng Senado.
Paliwanag naman ito ni Albay Rep. Edcel Lagman na isa sa pitong congressmen na bumoto ng No sa economic Cha-cha kung saan 289 ang pumabor at dalawa ang nag-abstain o hindi bumoto.
“Momentarily, the approval today by the House of Representatives on third reading of Resolution of Both Houses No. 7 on economic Cha-cha may be akin to Palm Sunday with a surfeit of hallelujahs, but in the Senate it may be like Good Friday,” ani Lagman.
Habang si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ay nagtataka na sadyang hindi ginalaw ng Kamara ang probisyon sa sistema ng pagboto ng dalawang kapulungan ng Kongreso upang maipilit ang joint voting at hindi vote separately.
“Kasi last card ng Kamara na kung hindi talaga bibigay ang Senado ay talagang puwersahin na nito na ang pag-apruba sa RBH 7 kahapon ay pag-apruba na ng buong Kongreso at absent ang Senado,” ani Manuel.
Kabilang sina Castro at Manuel sa miyembro ng Makabayan bloc bukod kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na bumoto ng no sa eco Cha-cha.
“No ang boto ng kababaihan dahil alam natin na hindi sagot talaga yung pagpapasok sa mga dayuhan sa matagal ng problema sa bansa..ang kawalan ng sariling industriya, napakababang sahod, hindi aksisibleng edukasyon, maging yun corruption sa ating bayan,” ani Brosas sa press conference kahapon.
Sinabi ng mambabatas na mismong ang gobyernong Marcos Junior ang sisira sa kanyang programang “#Lokal” dahil papatayin umano ng mga dayuhang negosyante ang mga lokal na produkto kapag pinapasok na ang mga ito sa bansa.
202