PNP HEIGHTENED ALERT NA PARA SA HOLY WEEK

INILAGAY na ng pamunuan ng Philippine National Police sa heightened alert status ang buong hanay ng Pambansang Pulisya para sa nalalapit na paggunita ng Sambayanang Pilipino ng Semana Santa.

Inihayag kahapon ni PNP- Public Information Office (PIO) chief, PCol. Jean Fajardo, taon-taong itong ginagawa ng pulisya tuwing sasapit ang Mahal na Araw.

Una nang ibinahagi ng PNP na nakatakda silang mag-deploy ng 34,000 pulis sa buong bansa para sa Oplan Summer Vacation (SUMVAC 2024), kabilang dito ang 7,000 tourist police.

Partikular na tututukan ng mga pulis ang mga boundary ng mga pangunahing lansangan papasok at palabas ng iba’t ibang lalawigan na inaasahang daragsain ng mga biyahero.

Bukod pa ito sa itatalagang puwersa na magsisilbi sa itatayong Road Assistance and Help Desks na aayuda sa mga turista at mga bakasyunistang magsisipag-uwian sa mga probinsya ngayong panahon ng Semana Santa.

Bukod sa places of convergence gaya ng mga bus terminal at pier, binabantayan din ang mga simbahan maging ang tourist spots.

Ayon pa kay Col. Fajardo, ipinauubaya naman ng PNP higher headquarters sa mga Regional Director ang security deployment base sa peace and order status sa kanilang nasasakupan at maging ang pagtatakda ng security alert status, depende sa sitwasyon sa kanilang AOR.

2M pasahero sa mga pantalan

Kaugnay nito, pinatindi naman ang pagpapaigting sa seguridad ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga pantalan sa buong bansa na inaasahang daragsain ng humigit kumulang sa 2 milyong pasahero.

Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), may mga nakalatag na silang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga bibiyahe sa mga pantalan ngayong Holy week.

Inihayag ni Ms. Eunice Samonte, tagapagsalita ng PPA, inaasahan nilang mas mataas ang bilang ngayong taon na bibiyahe kumpara noong nakaraang taon.

Nabatid na noong nakaraang taon ay nasa 1.8 milyon ang naitalang bumiyahe sa mga pantalan kaya ngayon pa lang ay inaasahan na aakyat sa mahigit dalawang milyong pasahero ang daragsa sa mga Puerto sa buong bansa.

Bukod sa seguridad na inilalatag ay naglabas din ng kautusan ang PPA sa pagpapaigting ng kanilang manpower sa dalawang port management office nito.

Nakipag-ugnayan din ang PPA sa Philippine National Police para magtalaga ng mga pulis.

Tuloy rin ang pagpapatupad ng PPA ng sistema tulad ng ‘Blue Lane and One Stop Shop’ sa Port of Matnog na malaki umano ang naitulong sa daloy ng mga sasakyan, at maiwasan ang problema ng fixing.

Kasunod nito, kanya-kanyang preparasyon ang bawat Project Management Office (PMO) upang masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko.

Ilan dito ang paglalagay ng directional signages, tents, paglalagay ng fast lanes para sa mga pasahero na maliliit na bag lamang ang dala, gayundin para sa mga senior citizen, persons with disability, buntis at may mga dalang bata.

(JESSE KABEL RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment