PRESYO NG BIGAS DI BABABA SA PAGDATING NG IMPORTED RICE

WALANG mangyayaring price rollback sa bigas sa pagdating ng mga imported rice at posibleng tumaas pa umano ang presyo nito sa mga darating na buwan.

Ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, hindi ibebenta ng mga rice importer ng mura ang inangkat na bigas mula sa India dahil tumaas umano ang presyo nito sa international market.

“Kahit sabihin ng DA na parating na ‘yung 500,000 metric tons na inimport mula sa India ay hindi rin magreresulta ng pagbaba n’yan sa palengke dahil alam naman natin na napakataas ng presyo sa world market,” ani Estavillo.

Sa katunayan aniya, tumaas ng P2 ang presyo ng bigas ngayon sa mga palengke kaya umaabot ngayon sa P54 ang pinakamura na malayong-malayo sa P20 kada kilo na ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong panahon ng kampanya.

Hindi umano masisisi ang mga rice retailer dahil itinaas ng supplier sa P50 kada bag ng bigas at limitado ang isinu-supply sa kanila.

“Mismong yung mga retailers ang nagsasabi na pakonti nang pakonti ‘yung dinedeliver ng mga miller sa kanila at tuwing nagdedeliver sila ay may pagtaas ng P50 per bag. Kung iko-convert natin yan, piso hanggang dalawang piso ang pagtaas ng mga naide-deliver na bigas sa mga retailer. Syempre ang retailer, hindi rin naman nila babalikatin yung pagtaas ng presyo ng bigas, bagkus ay ipapasa at ipapasa nila yan sa mga consumer,” ani Estavillo.

Sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na kailangang tutukan na ng gobyerno ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura dahil hindi na maawat ang pagtaas ng presyo ng bigas sa world market.

Ayon sa mambabatas, hindi dapat umasa sa imported rice ang gobyerno para sa mapunan ang pangangailangan ng mga Pilipino bagkus ay buhusan ng pondo ang sektor ng pagsasaka at tulong sa mga magsasaka upang mas maparami ang produksyon ng palay.

“Kailangan nating tumindig na sa ating sariling paa,” ani Brosas kasabay ng panawagan na amyendahan na ang Rice Tariffication Law at payagan ang National Food Authority (NFA) na mamili ng palay sa mga magsasaka.

(BERNARD TAGUINOD)

91

Related posts

Leave a Comment