PROBLEMA NG POWER OUTAGES SA NEGROS OCCIDENTAL, TINIYAK NA AAKSYUNAN

KUMPIYANSA ang Central Negros Electric Cooperative o CENECO na malulunasan na ang problema sa power outages sa Negros Occidental sa sandaling magtakeover ang bagong power corporation.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe, sinabi ni Atty Arnel Lapore, general manager ng CENECO na sa kasalukuyan ay patuloy ang pagtaas ng kanilang pagkalugi habang nagpapatuloy din ang pagdagdag ng demand sa kuryente dahil sa lumalakas na ekonomiya.

Ipinaliwanag ni Lapore na ang nakikita nilang sagot sa problema ng CENECO ay ang joint venture sa Negros Electric and Power Corp o NEPC na handang maglagak ng P2.1 billion para sa mga imprastraktura at pasilidad sa sandaling mag-takeover sila.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni NEPC President Roel Castro na bibigyan nila ng prayoridad sa hiring ang mga empleyado ng CENECO at katunayan nasa 250 nang manggagawa nito ang nag-apply sa kanila.

Sa pagharap sa pagdinig ng Senado para sa kanilang prangkisa, tiniyak din ni Castro ang pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga consumer ng Negros lalo pa’t dumarami ang mga negosyo sa lalawigan.

Sa panig ng mga consumer, sinabi ni Wennie Sancho, secretary general ng Power Watch Negros Advocates na malaking bagay kung mabubuhusan na ng investment ang CENECO dahil ang kanilang mga equipment tulad ng transformer ay may 30-40 taon na.

Kaya naman nananawagan siya sa Kongreso na agad nang aprubahan ang prangkisa ng NEPC upang matapos na ang paghihirap ng mga residente, mga negosyante at mga turista sa Negros.

(Dang Samson-Garcia)

35

Related posts

Leave a Comment