RAKET SA RENEWAL NG PASSPORT SA ABROAD, INALMAHAN NG MGA OFW

Aksyon OFW
0

AKSYON BANTAY OFW Ni FLORANTE ROSALES

SINO ba sa Department of Foreign Affairs ang nakaisip ng ‘raket’ sa pagproseso sa renewal ng pasaporte sa overseas Filipino workers sa abroad?

Bakit ito idinaan sa ilang outsourcing company ng DFA? Dumaan ba sa bidding process ang kontrata? Sinu-sino kaya ang mga opisyal na kumita rito?

Ito ang mga tanong ng galit na galit na mga OFW nang ­iparating sa inyong lingkod ang nasabing ‘raket’ umano na pahirap at dagdag gastusin sa kanila.

Tumataginting po kasi, mga ka-Saksi, na mula P4,900 hanggang P5,300 ang bayad sa bawat pasaporte na nire-renew sa ilang outsourcing companies sa walong siyudad sa Europe, Middle East, Amerika at Asia and the US.

Ipinarating ng AKO OFW advocates sa Italy ang nasabing ‘raket’ na umano’y hindi nila kayang magbayad ng ganito kataas na halaga ng pasaporte.

Kinastigo ng AKO OFW Italy Chapter ang Philippine Embassy sa Rome na umano’y binitiwan na nito ang trabaho na sila ang mag-process ng passport na ini-award sa BLS International Company.

Alam kaya ito nina DFA Secretary Teddy Locsin, Usec. Dodo Dulay at Usec. Sarah Lou Arriola? Mga boss, pakilinaw naman ito sa mga kabayani natin dahil hindi sila “tumatae” ng kwarta sa abroad para sa renewal ng pasaporte.

Sa ating pakikipag-ugnayan sa insiders sa Department of ­Foreign Affairs, kinumpirma nila ang dagdag na singil sa OFWs para sa passport renewal at nilinaw na ito ay “optional and voluntary” lamang.

Sa November 11 advisory ng Philippine Embassy sa Rome, sino mang Pilipino na kukuha at magre-renew ng passport sa BLS International ay sisingilin ng 35 Euros (P1,993) sa convenience fee, at 4.5 Euros (P256) para sa revolving fund.

Ito ay karagdagan sa kasalukuyang sinisingil sa passport ­renewal na 54 Euro o P3,075 kaya naman ang kabuuang gastos ng isang OFW ay aabot sa 93.5 Euro o P5,324. Kalabisan naman na ito, Sec. Locsin. ‘Di ka ba naaawa sa mga kabayani nating pinadapa na ng pandemya ay pipigain nyo pa nang todo ang bulsa. ­Malaking kabawasan na po ito, Secretary, para sa ordinaryong OFW na nagpapadala ng pera sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Nanindigan si Josephine Borja Duque, country chairperson ng AKO-OFW party-list Italy Chapter na sa halip ipasa ng DFA ang trabaho nila sa outsourcing companies, dapat nag-hire na lang sila ng dagdag na mga staff para naiwasan ang dagdag-pasanin ng mga kawawang OFWs.

Bukod sa Rome, binuksan din ng DFA ang PARC program nito sa Philippine embassies and consulates sa Dubai at Abu Dhabi sa UAE, Riyadh at Jeddah, Saudi Arabia, Doha sa Qatar, Los Angeles, California, USA, at Kuala Lumpur, Malaysia simula pa noong 2019.

Abangan ang paliwanag ng mga opisyal ng DFA sa hinaing na ito ng mga bagong bayani na pinahihirapan at ginagatasan pa nang husto ng ahensya.

***

Good News!

Nakauwi na sa bansa ang 240 “distressed” overseas Filipino workers mula sa Kuwait.

Sa tulong ng Department of Foreign Affairs, lulan ang mga Pinoy repat ng Kuwait Airways flight KU 417 na lumapag sa NAIA 1, pasado ala-4 ng hapon noong Martes.

Sasailalim naman ang mga repat OFW sa health and medical protocols base sa kautusan ng IATF.

Para sa inyong suhestiyon, komentaryo at reaksyon sa kolum na ito, ipadala lang sa dzrh21@gmail.com.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment