RED NOTICE VS TEVES INILABAS NG INTERPOL

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NAGLABAS na ng “red notice” ang International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves, Jr.

Kapwa ito kinumpirma ng National Bureau of Investigation at Department of Justice (DOJ) kahapon.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang hakbang ay kaugnay ng mga kasong kinakaharap ni Teves na may kinalaman sa mga pamamaslang sa kanyang lalawigan.

Kabilang dito ang pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at ilan pang indibidwal.

Nitong Martes, inihayag ni DOJ Spokesperson Asec. Mico Clavano na kanselado na ang pasaporte ni Teves matapos mag-lapse ng 15 araw ang desisyon ng hukuman.

Dahil dito, hiniling ng DOJ sa Timor-Leste na ipa-deport ang dating kongresista sa Pilipinas para harapin ang mga kasong murder na inihain laban dito sa Regional Trial Court.

Ani Clavano, handa ring makipagtulungan ang pamahalaan ng Timor-Leste sa deportasyon ni Teves lalo na kung may request na mula sa Pilipinas.

Matatandaan na sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves na may banta sa buhay ng kanyang kliyente kaya hindi ito umuuwi sa bansa.

Iginiit din nitong inosente ang kanyang kliyente.

Ang red notice ay isang global alert upang mahanap, tugusin at arestuhin ang isang indibidwal na mayroong kinakaharap na pending extradition, surrender, o iba pang kahalintulad na legal action. Kahalintulad ito ng warrant of arrest na nanggaling sa bansang humiling para arestuhin at ibalik sa kanilang bansa ang isang indibidwal na nagtatago sa ibang bansa.

Ang Interpol ay binubuo ng nasa 190 miyembro sa buong mundo.

602

Related posts

Leave a Comment