RED TAPE ISA SA MGA HADLANG SA FOREIGN INVESTORS

TINATAYANG 56% ng mga Pilipino ang naniniwala na ang kumplikadong “rules and regulations” gaya ng red tape at pagbabago sa government policies and regulations, ang mga pangunahing dahilan kung bakit dismayado ang mga dayuhan na mamuhunan sa Pilipinas.

Ito ang lumabas sa survey ng Pulse Asia noong nakaraang March 6 hanggang 10, nakasaad na ang pangalawang dahilan ay ang ‘restrictive rules’ sa foreign ownership na may 55%, sumunod ang korupsyon sa public sector na may 46%.

Ang iba pang dahilan na tinukoy ng mga respondent ay kinabibilangan ng kakapusan ng transport infrastructure na may 40%, mataas na singil sa kuryente na may 37%, hindi sapat na telecommunications infrastructure na may 32%, at kulang na insentibo para sa mga investors na may 21%.

Tanging 2% naman ng mga respondent ang tumanggi na magbigay ng kanilang sagot.

Gayundin, 64% ng mga respondent ang naniniwala na ang pag-alis sa restriksyon sa foreign investments ay magreresulta ng pagtaas ng “high quality jobs na may mataas na sweldo at magandang benepisyo.”

Samantala, 56% naman ng mga respondent ang nagsabi na ang dagdagan ang foreign capital ay makapagpapabuti sa serbisyo sa iba’t ibang sektor habang 55% ang nagsabi na magreresulta lamang ito ng foreign capital na madodominahan ang local investors at mga negosyo.

Mayroon namang 54% ang nagsabi na ang pag-alis sa restriksyon laban sa foreign investors o businesses ay makapagbabawas sa presyo ng mga kalakalan at serbisyo habang 43% naman ang nagsabi na hindi malayong malagay sa panganib ang national security.

Sa kabilang dako, mayroon namang 5% ang hindi masabi kung ano ang magiging resulta ng pagdaragdag sa foreign capital.

Ang mga resulta na inilabas ng Pulse Asia ay kahalintulad sa March 2024 poll na kinomisyon ng Stratbase-Albert del Rosario Institute na naghahayag na 88% ng mga Pilipino ay kontra sa 1987 Constitution “ngayon mismo.”

(CHRISTIAN DALE)

43

Related posts

Leave a Comment