BANTANG PAG-AAKLAS LABAN KAY PBBM, ITINANGGI NG PNP

TINIYAK ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na walang validated threat hinggil sa pinalutang na planong pag-aaklas laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Sec. Abalos, hindi magtatagumpay ang anomang balak na destabilization move laban sa administrasyon na magmumula sa Philippine National Police, dahil solido ang suporta ng mga pulis sa Pangulo, bukod pa sa pagiging isang professional organization ng pambansang pulisya.

Kaya kahit umano may magtangka o sumubok na magsagawa ng mga ganitong pagkilos ay hindi umano nila ito papatulan.

Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos na ibulgar ni dating Senator Antonio Trillanes IV na mayroong aktibong senior members ng PNP ang nagre-recruit ng kanilang mga kasama para makibahagi sa panibagong destabilization plot laban kay PBBM.

Subalit una nang sinabi ng PNP na wala silang namo-monitor na may ilang aktibo at retiradong pulis ang nagbabalak na magsagawa ng pag-aaklas laban sa gobyerno.

Nilinaw ng pamunuan ng PNP na wala silang namo-monitor na anomang banta ng destabilisasyon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng pahayag ni Sen. Trillanes na may ilang aktibong high-ranking police officials ang nagre-recruit umano ng mga pulis para sumama sa inilulutong destabilization plot laban kay Pangulong Marcos.

Bukod sa pulisya, mayroon din umanong retired military officials ang nagre-recruit ng mga sundalo para suportahan ang nasabing ouster plot.

Samantala, mariing pinabulaanan ng PNP na nagsasagawa sila ng loyalty check kung kaya’t madalas ang pag-iikot ni PNP chief, PGen. Rommel Francisco Marbil sa mga kampo ng pulisya sa buong bansa.

Ayon kay PNP PIO chief, PCol. Jean Fajardo, ang pag-iikot ni Marbil ay normal lamang kapag bago ang pinuno ng Pambansang Pulisya.

Ani Fajardo, layon ng command visit na malaman kung ano ang ginagawa ng mga pulis at para kausapin ang mga ito upang bigyang direktiba.

Wala aniyang rason para magsagawa ng loyalty check ang liderato ng PNP dahil nananatiling high morale ang mga pulis.

Giit pa nito, mananatiling apolitical ang PNP at patuloy na susundin ang mandato ng konstitusyon.

Nabatid na nagtungo sa Mindanao si Gen. Marbil para personal na malaman ang updates sa isang pulis officer na nabaril at napatay ng mga kapwa umano pulis, at para personal na makiramay sa pamilya ng naulila.

Nakausap na rin aniya ni Marbil ang kanilang intel units at sinabing wala namang namo-monitor na sinomang aktibong pulis na dawit sa destabilization plot.

Apela ni Fajardo sa dating mambabatas, tigilan na nito ang pagdadawit sa PNP sa umano’y pagkakaroon ng sabwatan para pabagsakin ang Marcos administration.

(JESSE KABEL RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment