CAVITE – Patay ang isang 39-anyos na motorcycle rider nang bumangga sa isang nakaparadang jeepney matapos na sumablay sa pag-overtake sa Gen. Trias City sa lalawigang ito, nitong Lunes ng madaling araw.
Isinugod pa sa Gen. Trias Medicare Hospital ang biktimang si John Ramel Abayon y Gaspar, ng Pasay City, subalit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa ulat, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklong Suzuki Raider 150 dakong alas-2:30 ng madaling araw at binabagtas ang kahabaan ng Gov. Ferrer Drive sakop ng Brgy. Pasong Kawayan 1, Gen. Trias City, Cavite.
Tinangka nitong mag-overtake sa shoulder lane sa isang sasakyan subalit nawalan umano ng kontrol sa kanyang manibela at bumangga sa isang nakaparadang jeepney.
Tinangka pang isalba ang biktima ng mga sumaklolo sa kanya subalit binawian ito ng buhay bago pa man idating sa ospital. (SIGFRED ADSUARA)
