Sa Bulacan, Pampanga at Olongapo City P1.3-B HAHABULIN NG SSS SA DELINQUENT EMPLOYERS

TINATAYANG mahigit P1.3-billion ang hahabulin ng Social Security System (SSS) Luzon Central 2 Division mula sa mga delinquent employer sa mga lugar ng Bulacan, Pampanga, at Olongapo City, na nararapat makuhang benepisyo ng nasa 156,750 empleyado kaugnay ng pinaigting na Run After Contribution Evaders (RACE) campaign ng ahensiya ngayong taon.

Sinabi ni SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada, ang pinaigting na operasyon ng RACE ngayong taon ay isasagawa isang beses sa isang buwan upang matiyak na natutugunan ng mga employer ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.

Bibigyan din ng programa ang delingkwenteng mga employer na hindi nagre-remit ng kanilang mga kontribusyon para sa kanilang mga empleyado, ng pagkakataon na ituloy ang kanilang hindi nabayarang mga obligasyon sa mas madaling paraan.

“We are serious to run after to these delinquent employers na hindi nagre-remit ng contributions nila para sa kanilang mga empleyado,” aniya.

Noong Abril 30, isang simultaneous RACE operation ang isinagawa sa pangunguna ni Andrada, kasama ang team ng SSS Baliwag Branch sa pamumuno ni Chelin Lea Nabong, Acting Branch Head I sa Barangay Sabang, Baliwag City kung saan walong delingkuwenteng employer ang binisita at naabisuhan tungkol sa kampanya.

Sinabi ni Andrada, sakop ng Luzon Central 2 Division ang mga lugar ng Bulacan, Pampanga, Zambales kung saan mayroon itong kabuuang 25,625 na mga delingkwenteng employer na bibigyan ng 15-araw na palugit para mabayaran ang kanilang obligasyon sa nasabing ahensya para makinabang ang 156,750 empleyado nito.

Aniya, ang RACE campaign ng SSS ay para rin sa mga delinquent employer na maka-avail ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDe MRP) kung saan ang principal obligation lang ang babayaran at wala nang interes o penalty.

Nabatid na noong 2023, nakakolekta ang SSS ng P296.19-million sa buong bansa mula sa 2,652 delinquent employers kung saan bahagi nito ay P111.34-million para sa Luzon collection kasama ang P67.7-million mula sa mga delinquent employer sa Luzon Central 2 Division.

Sa buong bansa, ang SSS ay nagsagawa ng 587 RACE operations at hindi bababa sa 4,923 delinquent employers ang nakatanggap ng written order dahil sa Paglabag sa SSS Law.

Idinagdag ni Andrada, para sa taong ito ay magkakaroon ng 120 RACE operations na isasagawa ng nabanggit na ahensiya isang beses kada buwan.

(ELOISA SILVERIO)

44

Related posts

Leave a Comment