Sa gas station investment scam NBI NAGLABAS NG SUBPOENA VS LUIS MANZANO

BUNSOD ng umano’y kinasasangkutang gas station investment scam, naglabas na ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa actor/TV host na si Luis Manzano.

Nabatid sa ulat ng NBI, noong Biyernes nang ilabas ng NBI Criminal Intelligence Division ang subpoena matapos ireklamo ng mga investor ng Flex Fuel Petroleum Corp. ng kasong estafa ang nasabing kompanya at ang aktor.

Nasa 15 overseas Filipino workers ang naghain ng reklamo sa NBI at mayroong 40 complainants sa Pilipinas.

Nabatid sa salaysay ng mga nagreklamo, pumasok umano sa kanilang Zoom meeting si Manzano at nagpakilalang owner at chairman ng Flex Fuel.

Sinabi umano ng aktor na lifetime business, at pandemic business ang bubuksang negosyo kaya umayon ang mga kasapi nito.

Isang alyas “Leo” ang nag-loan umano ng halagang P1 milyon sa bangko upang maipadala sa Flex Fuel para sa investment noong Abril 22, 2022

Hanggang sa lumipas ang anim na buwan, wala pa rin umanong naitatayong gasoline station.

Ayon naman sa isa pang complainant na kinilalang si “Jinky “, hindi nila itutuloy ang kaso kung maibabalik ng kompanya ang kanilang investment na idineposito sa account ng aktor.

Nauna nang itinanggi ng pamunuan ng Flex Fuel ang alegasyon ngunit aminado na ang kanilang negosyo ay naapektuhan ng pandemya at iba pang kadahilanan na hindi nila kontrolado.

Depensa naman ni Manzano, hindi siya bahagi ng kompanya at isa rin siyang biktima nito.

Nagpasaklolo na rin umano ito sa NBI upang mag-imbestiga matapos siyang lapitan ng mga investor.

Ayon sa aktor, may utang din sa kanya ang korporasyon na halagang P66 milyon.

Sa pamamagitan ng kanyang abogado, sumulat si Manzano kay NBI Director Medardo de Lemos noong Nobyembre ng nakaraang taon, upang linawin na siya ay nag-divest ng kanyang mga interes sa kompanya at nagbitiw bilang chairman ng board noong Pebrero 2022.

Sa naging pahayag naman ni NBI spokesperson Gisele Garcia-Dumlao, patuloy na kinukuha ng ahensya ang mga salaysay ng mga nagreklamo at kasalukuyang nagpapatuloy ang verification. (RENE CRISOSTOMO)

195

Related posts

Leave a Comment