Sa paglutang ng PDEA report HAMON NA DRUG TEST KAY BBM LUMAKAS

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NABUHAY ang hamon kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na sumailalim sa drug test matapos umikot kahapon sa social media ang kopya ng umano’y operational documents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nag-uugnay sa kanya sa ilegal na droga.

Sa paglutang ng nasabing dokumento ay lumakas ang panawagan sa Pangulo na kumasa sa hamon upang patunayan na hindi totoo ang mga akusasyon sa kanya na isa siyang adik.

Bago ito, ibinunyag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa drug watchlist ng PDEA si Marcos Jr. noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Nakasaad sa kumalat na pre-operation report ng PDEA na may petsang Marso 11, 2012, nakalagay bilang target ng operasyon si Bongbong Marcos at iba pang mga kasama umano nito na hindi binanggit ang mga pangalan.

Nakasaad naman sa summary information na: “A confidential informant personally appeared before this office and reported that a group of showbiz and politically affluent personalities are frequently using illegal drugs inside Unit 4-C, Rizal Tower Building, Rockwell, Makati City.”

Habang nakasaad sa authority to operate ng PDEA na ang area of operation ay Makati City, NCR.

Ayon sa vlogger na si Maharlika, hindi itinuloy ang operasyon ng paghuli dahil nakipagsabwatan umano ang mag-asawang Marcos Jr. at Liza sa isang cabinet secretary ni Aquino.

Kasado na umano noong gabing iyon ang operasyon ngunit bigla itong hinarang ng cabinet secretary ni Aquino.

Magugunitang sa isinagawang rally laban sa Charter change sa Davao City kamakailan, tahasang inakusahan ni Duterte si Marcos Jr. na bangag sa ilegal na droga.

Nanindigan si Duterte na kasama sa drug watchlist ng PDEA si Marcos Jr. ngunit tahasan naman itong itinanggi ng nasabing ahensya.

Kasabay nito, hinamon din ni Duterte ang PDEA na ilabas ang report kung saan nakasaad ang pangalan ni Marcos Jr. bilang target ng isasagawa sana nilang operasyon.

Bwelta rito ni Marcos Jr., maaaring epekto ng paggamit ng fentanyl ni Digong kaya nasabi ang bagay na iyon.

Itinanggi ng PDEA

Kahapon ay agad ding kumalat ang diumano’y sagot ng PDEA sa akusasyon at itinanggi nito na tunay ang dokumento.

Iniulat din ito ng Philippine News Agency (PIA).

“PDEA ran a check through its Plans and Operations Reports Management Information System or PORMIS and found that no such operation was logged on said date,”ayon sa inilabas na statement ng ahensya na ibinahagi ni Director Derrick Carreon, PDEA Information Office chief.

Ayon sa ipinalabas na kalatas ng PDEA-PIO, nagsagawa ito ng pagsusuri sa pamamagitan ng Plans and Operations Reports Management Information System o PORMIS at napatunayan na walang ganoong operasyon ang naka-log sa nasabing petsa.

Dagdag pa ng PDEA: “A critical feature of PORMIS is that one cannot insert or tamper with recorded operations. All pre-operation documents are serialized and recorded in this database. This ensures the system’s integrity and negates any doubt on the data the system contains”.

Kaugnay nito, pinayuhan ng PDEA ang publiko na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon lalo na ngayong panahon ng Artificial Intelligence (AI) na ang mga gawa-gawang larawan, video o dokumento ay kayang pagmukhaing totoo.

(May dagdag na ulat si JESSE KABEL RUIZ)

52

Related posts

Leave a Comment