Sa pagpapakalat ng fake news MEDIA GINAGAMIT NG CHINA – NSC

TAHASANG inihayag ni National Security Adviser Sec. Eduardo Año na nililinlang ng Chinese Embassy ng mga kasapi ng media upang magpakalat ng kanilang fake news

Ayon sa inilabas na statement ng National Security Council, ang China ay nagpapakalat ng disimpormasyon sa pamamagitan ng panlilinlang sa mga mamamahayag, sa pamamagitan ng Chinese Embassy.

Sa nasabing pahayag ni Año, bahagi ng panlilinlang ng China ang pagpapakalat ng kanilang narratives hinggil sa umano’y new model na napagkasunduan ng Pilipinas at China patungkol sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Año, maituturing na walang katotohanan, katawa-tawa at kalokohan ang pahayag ng Chinese Embassy hinggil sa mga resupply mission sa Ayungin Shoal.

Kaugnay nito, ibinulgar ni Año ang ginawang paglikha ng isang chat group ng Chinese Embassy kasama ang ilang piling mamamahayag kung saan sila mismo ang nagpo-post ng leading questions na kanila ring sinasagot para manipulahin ang media, na humihingi ng pahayag sa pamahalaan ng Pilipinas.

Sa ganitong paraan aniya ay nahuhulog ang lahat sa bitag ng embahada para maikalat ang kanilang mga gawa-gawa at walang katotohanang istorya.

Kaugnay nito, nanawagan ang NSC at maging ang Department of National Defense sa media, na maging mapagmatyag.

Paalala ni Sec. Gilberto Teodoro sa publiko, media at international community, na huwag magpaloko sa ginagawang manipulasyon ng China.

“We enjoin our friends and partners in the media to remember that this has been definitively put to rest by no less than the President of our Republic. The next time the Chinese Embassy releases fake news and disinformation similar to these, we ask that you and everyone kindly view and treat these releases for what they really are: a waste of yours and everyone’s time,” ani Sec. Año.

(JESSE KABEL RUIZ)

84

Related posts

Leave a Comment