GALAWANG diktador ang pagpipilit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ipatupad ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na magiging dahilan umano ng man-made disaster sa sektor ng transportasyon.
Ganito inilarawan ng grupo ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang desisyon ng gobyernong Marcos Jr., na pilitin ang mga operator at driver ng traditional jeepneys na pag-isahin ang kanilang prangkisa kahit alam nito na walang kakayahan ang karamihan na palitan ang kanilang unit ng modernong jeep na nagkakahalaga ng mahigit P2 million.
“Marcos Jr. forcing jeepney drivers to consolidate under threat of revoking their franchises is manipulative and plays to the jeepney drivers’ worst fears of having their livelihoods forever taken away from them,” ani Kabataan party-list executive vice president Renee Co.
Pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver at operators na hindi nakahabol sa deadline ng konsolidasyon ng prangkisa noong December 31, 2023 na bumiyahe hanggang Enero 31, 2024.
Sinabi ng grupo ni Manuel, taliwas ito sa panawagan ng transport sector at maging ng commuters na tuluyang bawiin ang pag-consolidate ng mga prangkisa upang maiwasan ang man-made transport crisis.
Inakusahan din ng grupo si Marcos na isinasakripisyo nito ang mahihirap na drivers at operators at maging ang mga mananakay para matupad ang kanyang pangakong magandang income sa mayayamang negosyante.
Bukod sa transport crisis na inaasahang idudulot ng PUVMP ay magtataas din ang pamasahe kapag tuluyang naagaw ng malalaking kumpanya ang transport sector.
‘Hindi pa hinog’
Para naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, hindi pa maituturing na hinog ang PUV Modernization Program dahil mismong ang gobyerno ay hindi pa handa sa sistema nito.
Kasabay nito’y nanawagan ang mambabatas sa pamahalaan na suspendihin ang implementasyon ng programa hangga’t hindi napaplantsa ang lahat ng kinakailangang gawin.
Tinukoy ni Pimentel na maliit pa rin na porsyento ng jeepney drivers at operators ang tumugon sa consolidation ng prangkisa bukod pa sa hindi pa rin naisasaayos ang route rationalization plan ng local government units.
Kinatigan din ng senador ang pahayag ng Ibon Foundation na posibleng tumaas ang pamasahe sa jeepney sa sandaling ipatupad na nang isandaang porsyento ang programa dahil kinakailangang bawiin ng mga operator ang kanilang pambayad sa sasakyan.
Hindi pa anya kasama rito ang pagkonsidera sa posibleng paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa merkado.
Sa huli, iginiit ni Pimentel na dahil may mga nakahain nang petisyon sa Korte Suprema laban sa programa ay mabuting hintayin na rin ang desisyon ng mga mahistrado hinggil dito.
(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
155