SCIENTIFIC APPROACH GAGAMITIN NG PNP KONTRA KRIMINALIDAD

SA LIKOD ng ulat na bumaba ng 21.60% ang antas ng krimen sa Pilipinas partikular sa tinaguriang focus crimes, ipinag-utos ni PNP chief, Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga regional commander at directors ng PNP support units, na pag-aralan kung paano pa mapapababa ang mga krimen sa bansa.

Sinasabing pasisimulan ni Marbil ang scientific approach sa pagsugpo ng kriminalidad sa bansa, tulad ng crime mapping para malaman kung saan madalas at kailan naitatala ang mga focus crime para sa adjustment ng deployment ng mga pulis.

Bukod dito, isa sa mahalagang elemento para mas higit na maging epektibo ang mga pulis ay mabawasan ang kanilang response time sa pamamagitan ng paglikha ng command-and-control systems para sa metropolitan departments, paglalagay ng police call boxes na magagamit ng taong bayan.

“To begin, we shall prioritize integrating the PNP secured mobile artificial intelligence driven in real time smart policing program and ICT development roadmap in our operations, including an active drive to recruit and train a new generation of police officers and support staff with technical expertise and specialized IT skills,”ani General Marbil

Sa kanyang mensahe nang pormal na siyang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang ika-30 PNP chief, ipinangako niyang isusulong ang five year development plan na siyang tututok sa pagsasaliksik at magsasanib ng mga makabagong teknolohiya sa law enforcement.

Magugunitang binigyang diin ng heneral ang kahalagahan ng mga makabagong komunikasyon. Mga bagong apps na magagamit ng mga pulis, maging ang mga makabagong social media application gaya ng Artificial Intelligence.

“We have to invest in AIs right now because the new development right now is more AIs. AI will be of big help in crime prevention and crime solution,” ani Marbil sa isang pulong balitaan.

Bahagi umano ng modernong pagpupulis ang paggamit ng information and communications technology kaya plano ng heneral na mag-invest ang PNP sa kanilang cybercrime at AI technology na pinaniniwalaan nilang magpapadali sa trabaho ng mga pulis upang maiwasan, mapigilan at maresolba ang mga kriminalidad sa bansa. (JESSE KABEL RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment