SEMENTERYO NG MUSLIM SA BAWAT BAYAN AT SIYUDAD IPINANUKALA

BUNSOD ng hirap na pinagdadaanan ng pamilya ng mga Muslim na namamatay, nais ng Mindanao congressman na magkaroon ng sementeryo para sa mga ito sa bawat bayan at siyudad.

Sa ilalim ng Muslim Filipino Public Cemeteries Act na nakapaloob sa House Bill (HB) No. 3755 na inakda ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, nais nito na maglaan ang lahat ng local government units (LGUs) ng lugar para sa sementeryo ng mga kapwa nito Muslim.

“Sa aming pananampalataya, kailangang mailibing ang pumanaw sa loob ng 24-oras. Grabeng hirap ang pinagdadaanan ng mga pamilya dahil dito, lalo na kung wala o malayo ang Muslim cemetery sa kanilang lugar,” ani Hataman.

Kadalasan aniya ay bumibiyahe pa nang malayo ang mga naulila ng mga pumanaw na Muslim para mailibing ang kanilang mahal sa buhay kaya dagdag na dusa ito sa kanila.

“Nagdadalamhati ka na sa pagkawala ng kaanak mo, dagdag na pabigat pa sa nararamdaman ang suliraning dulot kung saan sila ihihimlay. Nais nating baguhin ito sa ating panukala para magkaroon ng himlayan ang mga Muslim sa mga lungsod o munisipalidad kung saan sila naninirahan,” ayon sa mambabatas.

Sa kasalukuyan ay 12.7 million na umano ang populasyon ng Filipino Muslim ayon sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), libu-libo sa mga ito ay nakatira sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Sa Cordillera Autonomous Region (CAR) pa lamang ay umabot na umano sa 39,503 ang populasyon ng mga Muslim subalit marami sa mga lugar sa bansa ang walang sementeryo para sa mga Muslim.

Sa ilalim ng panukala ni Hataman, nais nito na maglaan ang bawat LGU sa Metro Manila ng tig-3,000 square meter na lupain para para sa sementenryo ng mga Muslim sa kanila-kanilang lugar.

“For all cities and municipalities outside Metro Manila, the following rules apply: 5,000 square meters if Muslim population is at least 1,000; 3,000 square meters if Muslim population is at least 500; and 2,000 square meters if Muslim population is at least 300,” ayon pa sa panukala ng mambabatas. (BERNARD TAGUINO)

5

Related posts

Leave a Comment