SENADO AT KAMARA TULOY SA BAKBAKAN

IMBES humupa, lalong nadagdagan ang isyung pinagtatalunan ng mga senador at congressmen matapos tila mapikon ang isang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagkwestiyon nina Sens. Imee Marcos at JV Ejercito sa Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) program na pinondohan ng P26.7 billion.

“Stop from questioning it,” mensahe ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., matapos sitahin nina Marcos at Ejercito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ukol sa nasabing programa.

Ayon sa mambabatas, bahagi ng 2024 national budget ang AKAP na naglalayong bigyan ng one-time P5,000 na ayuda ang may 12 milyong pamilyang Pilipino na kapos ang kinikita upang matulungan ang mga ito sa kanilang pangangailangan.

Ipinaalala ni Gonzales sa dalawang Senador na mismong ang Senado ay inaprubahan sa botong 21 pabor, walang nag-abstain at wala ring tumutol ang P5.768 trillion pambansang pondo na kinabibilangan ng AKAP program.

Bukod dito, niratipikahan aniya ng Senado ang Bicameral conference committee report na nilagdaan ng mga miyembro ng komite sa pangunguna nina Senate finance committee chairman Sen. Juan Edgardo Angara at House counterpart Elizaldy Co.

“It would be absurd now for senators to be questioning the AKAP and other assistance funds included in the national budget and administered by the Department of Social and Welfare Development (DSWD) because they approved it,” ayon sa mambabatas.

Ipinagtataka rin ni Gonzales kung bakit nasorpresa ang dalawang senador na mayroong AKAP program gayung matagal na pinagdebatehan ang pambansang pondo.

Tila pinatutsadahan pa ng mambabatas ang mga senador dahil mistula aniyang lumalabas na bumoto ang mga ito nang hindi binasa kahit ang conference committee report na siyang summary ng pambansang budget.

(BERNARD TAGUINOD)

126

Related posts

Leave a Comment