HALOS maputol ang braso ng isang 46-anyos na serbidora sa isang canteen, nang tagain ng kanyang kinakasama nitong Huwebes ng madaling araw sa North Harbor, Barangay 128, Tondo, Manila.
Nahaharap ang suspek na si Jairos Gonzales, 23, truck driver, at stay-in sa Tifela and Cruismate Trucking, sa kasong physical injuries in relation to RA 9262 (Anti-Violence against Women and Their Children Act).
Desidido namang magsampa ng reklamo ang biktimang si “Emily”, ng naturang lugar.
Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros Jr., commander ng Manila Police District-Station 1, bandang alas-3:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa loob ng North Harbor sa Tondo.
Ayon sa report ni Police Master Sergeant Irene Manuyag, lasing umano si Gonzales nang sabihan ang ginang ng “Kakatayin kita, bumaba ka, bumaba ka rito”.
Inakala naman ng biktima na nagbibiro lamang ang kanyang kinakasama kaya dali-dali itong bumaba.
“Bigla po niya akong inambahan ng itak, sinalag ko po, kaya tinamaan ang kaliwang kamay ko na muntik nang maghiwalay sa pagkakataga, sasaksakin pa po sana ako pero umiiyak akong nakiusap sa kanya at nagmamakaawa,” pahayag ng ginang.
Isinugod ang ginang sa Mary Johnston Hospital habang ang suspek ay kusang sumuko sa nakatalagang sekyu na si Dantes Montes ng North Harbour.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na selos sa kustomer ng canteen ang motibo ng pananakit ng suspek.
(RENE CRISOSTOMO)
