SHS PROGRAM HINDI INAALIS NG CHED

PINABULAANAN ng Commission on Higher Education (CHED) ang ulat na inalis na ang senior high school (SHS) program, kasunod ng pagpapalabas ng memorandum na inaatasan ang state at local universities and colleges na itigil na ang programa.

Sa isang panayam, sinabi ni CHED chairman Prospero de Vera III na walang kapangyarihan at wala sa hurisdiksyon ng CHED na wakasan o tuldukan ang SHS program.

Pinaalalahanan lamang nito ang SUCs at LUCs na itigil ang programa dahil wala itong legal na basehan na ipagpatuloy pa na tumanggap ng SHS students lalo pa’t nagtapos na ang K-12 transition period.

“I was surprised by the fake news and insinuations that have been circulating, so I’d like to make clear — K to 12 is not abolished and CHED has no authority to abolish senior high. Because I’ve been getting reports complaining that I have abolished senior high school. That’s not within the jurisdiction of CHED,” ayon kay De Vera.

Aniya, marami nang SUCs at LUCs ang itinigil na ang implementasyon ng SHS program sa nakalipas na tatlong taon.

Gayunman, inamin nito na may ilang SUCs ang pabor na i-accommodate ang SHS students dahil ang SHS program ay nagsisilbi bilang “feeder program” para sa kanilang specialization.

Subalit, dahil nagwakas na ang K-12 transition period at ang enrollment sa SUCs ay tumaas, sinabi ni De Vera na kailangan ng SUCs na ito na mag-provide ng mga pasilidad at mga guro para sa mga estudyante na kukuha ng higher education courses.

Para naman sa Department of Education (DepEd), ang mga apektadong SHS students ay mayroong dalawang opsyon. Isa na rito ay mag-enroll sa public schools na nag-aalok ng basic education, o mag-enroll sa private schools at kumuha ng voucher program.

(CHRISTIAN DALE)

106

Related posts

Leave a Comment