STALKER SA US HULI SA PINAS

NADAKIP ng mga tauhan ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang isang American national na wanted sa US federal authorities dahil sa kasong “stalking.”

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang nasabing dayuhan na ang 49-anyos na si Joe Miller Grubb III, naaresto noong Martes sa Jorge Bocobo Street, Malate, Manila ng mga operatiba mula sa BI-FSU.

Ayon kay Morente, si Grubb ay nakatakdang ipa-deport bilang undesirable alien at ibabalik sa kanyang bansang US sa sandaling mailabas ang summary deportation order mula sa BI commissioners.

“He will then be included in our blacklist and perpetually banned from re-entering the country for being an undesirable alien,” ayon sa BI chief.

Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy, si Grubb ay isa nang undocumented alien dahil sa kanselasyon ng kanyang passport ng State Department.

Sinabi pa ng opisyal na ang Kano ay nagtago sa bansa sa nakalipas na limang buwan base sa record, mula nang dumating noong Agosto 27 ng nakaraang taon.

Ang “stalking” ay tumutukoy sa ‘unwanted and repeated surveillance’ ng isang tao sa iba.  Ito ay naiuugnay sa mga paglabag katulad ng harassment and intimidation.

Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportasyon laban sa kanya. (JOEL O. AMONGO)

133

Related posts

Leave a Comment