STEWARDSHIP NG MARIKINA WATERSHED, HIRIT SA DENR

BAKIT sa isang construction company ipagkakatiwala ang pangangalaga ng kabundukan, samantalang pwede naman sa mga katutubong umaasa sa kagubatan para sa kanilang kabuhayan?

Sa isang panayam kay Enrico Vertudez na tumatayong chairman ng Kaksaan Ne Dumaguet De Antipolo, mas angkop na kilalanin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang karapatan ng pitong tribong Dumagat Remontado sa Upper Marikina River Protected Landscape (UMRPL) na bumabaybay sa mga bayan ng Baras, Tanay at Antipolo.

“Kung meron may malasakit dito sa kabundukan, kaming mga katutubo iyon kasi dito na kami namulat at dito rin ang kabuhayan namin… hindi ang Blue Star na isang construction company,” wika ni Vertudez.

Gayunpaman, tumanggi si Vertudez tukuyin kung anong grupo ang pinasasaringan.

Sa isang bukod na panayam, una nang ibinunyag ni Ka Alex Bendaña na tumatayong pinuno ng mga Dumagat-Remontado na nakabase sa Barangay San Ysiro ang malawakan at kabi-kabilang pagtatayo ng mga naglalakihang mansyon at istruktura sa nasasakupang lugar.

Nanawagan din si Bendaña sa Palasyo na isulong ang isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng pag-iisyu ng clearance sa mga negosyante at mga dayuhang nagmamay-ari ng mga nakatayong istruktura sa loob ng UMRPL.

Inirekomenda na rin ni Environment Legal Affairs Service Director Norlito Eneran kay DENR Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga ang agarang pagbasura sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan noong taong 2017 ng yumaong former Sec. Gina Lopez na nagbigay ng kustodiya sa Blue Star Construction and Development Corporation (kalaunan ay tinawag na Masungi Georeserve) sa hindi bababa sa 2,700-ektaryang lupain sa kabundukan sa naturang lugar.

Giit ni Eneran, hindi kailanman pwedeng isantabi ng isang MOA ang batas na nagbibigay proteksyon sa mga katutubong itinataboy mula sa kani-kanilang ancestral domain.

Para sa naturang opisyal, labag sa Saligang Batas ang kasunduan sa pagitan ng DENR at MOA – bagay na kinatigan ng mga mga kongresista sa Kamara sa mga isinagawang pagdinig noong nakalipas na taon.

“We have already submitted our report. We found out that there is indeed a violation of the provision of the 1987 Constitution on the period of the 2017 MOA,” ani Eneran sa pagdinig ng House Committee on Natural Resources, na nag-imbestiga sa di umano’y ilegal na aktibidad ng Masungi Georeserve.

Samantala, naglabas na rin ng posisyon ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa nasabing usapin – “The Department of Justice has already made a formal opinion – that this contract of 99 years is unconstitutional,” pahayag ni Justice Secretary Crispin Remulla.

283

Related posts

Leave a Comment